Biyernes, Nobyembre 5, 2021

Taumbayan ang bida

TAUMBAYAN ANG BIDA

tinatangka kong magsulat ng kwento at nobela
kung saan nais kong banghay ay akdang walang bida
walang iisang taong ang lahat na'y nasa kanya
kumbaga walang Prince Charming sa tulog na prinsesa

saksi ako sa papel ng madla sa kasaysayan
nakita ko'y mahalagang papel ng taumbayan
na siyang umugit sa kasaysayan nitong bayan
tulad ng Unang Edsang akin noong nasaksihan

bida ang taumbayan, silang totoong bayani
kung wala sila, wala iyang Ramos at Enrile
bayan ang bayani, ang nagpakasakit, nagsilbi
bayani ang bayan, patotoo ko't ako'y saksi

kaya sa pagsulat ko ng kwento o nobela man
walang iisang bida, walang Batman o Superman
walang iisang tagapagligtas ng sambayanan
kundi ang sama-samang pagkilos ng taumbayan

huwag nang asahang may bathala o manunubos
kundi ay pagsikapan ang sama-samang pagkilos
palitan ang sistemang sanhi ng paghihikahos
ganito ang kwento't nobelang nais kong matapos

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Kwentong bayan

KWENTONG BAYAN

sa ating mga kwentong bayan dapat walang hari
walang reyna, prinsipe, prinsesa, o dukeng imbi
nasaan na sa kwentong bayan ang ating kalahi
tulad ng raha, datu, lakan, na ating kalipi

mayroong hari't reyna sa mga kwentong dayuhan
dahil sadyang may hari't reyna sa kanilang bayan
subalit kung aaralin ang ating kasaysayan
nariyan ang datu, lakambini, lakan, babaylan

dapat sila ang nangingibabaw sa ating kwento
maliban marahil kung sila'y kinahihiya mo
sapagkat mas hanga ka sa mitolohiyang dayo
lalo't di mo batid ang kasaysayan ng bayan mo

kaya hamon sa mga manunulat at kwentista
sa pagsulat ng alamat, pabula, kwentong masa
ikwento ang mga babaylan, sultan, datu, raha
di reyna't hari, dahil wala tayong hari't reyna

may kwentong bayan na ba sa aliping sagigilid
sa namamahay, timawa, at lumayang kapatid
sa mga maralita, manggagawa, magbubukid
na talino't husay nila ang sa bayan ay hatid

ngalan man ng bansa'y mula raw kay haring Felipe
ng Espanya, di tayo liping sa hari magsilbi
tayo'y malayang tao, walang hari o prinsipe
kaya sa ating kwento, taumbayan ang bayani

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Salawikain

SALAWIKAIN

ang lumakad ng matulin
kung matinik ay malalim
taal na salawikain
ng mga ninuno natin

ang tumakbo ng mabagal
ay di agad hininingal
kung humabol na ang askal
karipas na't mapapagal

bayan nga'y kalunos-lunos
kung mamamayan ay kapos
kung marami ang hikahos
at dukha'y binubusabos

bundok ay kayang tawirin
pag sinimulang lakarin
tuktok ay kayang abutin
pag sinimulang akyatin

payak ang mga kataga
sa isip ay nasok sadya
gumuguhit ang salita
sa kalooban at diwa

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021