Linggo, Hunyo 15, 2025

Unang gabi ng lamay

UNANG GABI NG LAMAY

hapon nang tumawag sa akin ang punerarya
ready for viewing na raw, pwede na raw pumunta
nakahiga na si misis sa kanyang himlayan
habang ako'y nangangatal sa aking nagisnan

di ako makapaniwala sa nangyayari
loob ko'y lumuluha, di ako mapakali
tulala pa rin, nagdatingan man ang marami
sa labi ko'y walang lumabas, walang masabi

nagdatingan ang mga Climate Walker sa lamay
at pinadama ang kanilang pakikiramay
noon nga si misis ay kanilang nasilayan
nang maglakad kaming Maynila hanggang Tacloban

ika nga namin, kami nga'y magkakaPAAtid
adbokasya'y paglalakad, isyu'y hinahatid
sa napupuntahan ay ipinauunawa
tulad na lang ng isyung climate justice sa madla

pasasalamat ko'y sa tula na lang dinaan
nanginginig pa rin at nagugulumihanan
nakakatula man, ako'y natulala pa rin
wala na si misis ay di sukat akalain

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

Pameryenda

PAMERYENDA

di ko pa nakikita ang burol
kaya ako'y di makahagulgol
sa bahay, kay-aga kong nagising
puyat pa, idlip lang, di mahimbing

anong meryenda sa mga dadalaw
yaong mga nagmamahal kay Libay
at agad nagtungo na sa grocery
biscuits at cornick ang aking binili

una, zesto ang naisip kong bilhin, plastik
oo nga pala, ayaw ni misis ng plastik
ayaw rin niya ng coke, sprite o softdrinks
ang binili ko'y tubig na nasa plastik, ngeekkk

wala pang water dispenser, aayusin pa
subalit ang mahalaga'y may pameryenda
sa mga dadalaw at sisilip sa kanya
munting pameryenda'y pagpasensyahan muna

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

Dad, Happy Father's Day po in Heaven

DAD, HAPPY FATHER'S DAY PO IN HEAVEN

Dad, Happy Father's Day po in Heaven
Thanks po sa ginawa n'yo sa amin
noong kayo pa po'y nabubuhay
upang kami'y lumaking matibay

aming edukasyon ay tiniyak
at pinalaki kaming marangal
natuto sa mga pangaral mo
na tindigan ang aming prinsipyo

sa gulang mong walumpu't dalawa
nang sa ospital ay pumanaw ka
mahigit isang taon na ngayon
nang sa piling, mawala ka noon

maraming maraming salamat, Dad
at kami'y pinalaking matatag
ngayon, ginugunita ka namin
Dad, Happy Father's Day po in Heaven

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

* litrato mula sa google

Huling sulyap sa pasilyo

HULING SULYAP SA PASILYO

iyon na ang huli kong sulyap sa pasilyo
ng ospital kung saan ginamot si misis
di na kami babalik sa lugar na ito
di na babalik, pagkat wala na si misis

apatnapu't siyam na araw noong una
siyang madala rito, nakaraang taon
at pitumpung araw naman sa ikalawa
hanggang mamatay ang sinisinta paglaon

matapos ang tatlong araw doon sa morgue
ay nailabas na rin ang labi ni Libay
dahil mayroong promissory note na kami
upang kautangan ay mabayarang tunay

pasasalamat sa mga doktor subalit
ayokong balikan ang ospital na iyon
sa pasilyo'y huling sulyap na iyong pilit
na isang alaala na lang ng kahapon

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

* litratong kuha noong Hunyo 14, 2025 nang
mailabas na ang labi ni misis sa ospital