Miyerkules, Marso 12, 2025

Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina?

PALAWAN PALA'Y INAANGKIN NA NG TSINA?

nabasa ko lang sa pahayagan kanina
Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina?
akala ko ang Tsina'y Oso, iba pala
tulad na ba sila ng bundat na buwaya?

dahil ba may langis sa isla ng Palawan?
sinong magtatanggol sa islang anong yaman?
ang mga dukha? Pilipinong makabayan?
o kapitalistang limpak ang pakinabang?

sinong nasa Palawan? anong mga tribu?
may Intsik ba roong gubat na'y kinakalbo?
nagprotesta'y may panawagang nabasa ko:
igalang ang international maritime law!

marahil nga't wasto lamang ang maghimagsik
kung sariling lupa'y inaagaw ng Intsik
laban sa pananakop nila't paghahasik
upang kunin ang lupa ng bayang tahimik

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 12, 2025, p.2

Dalawang balita sa aso

DALAWANG BALITA SA ASO

magkasabay na petsa ang balitang ito
magkaibang dyaryo sa wikang Filipino
nagkataon sa dalawang aso'y may kwento 
at pinagkaabalahang iulat ito

ang asong si Luna'y nakakain ng medyas
dalawampung piraso, tiyan ay nanigas
nagsusuka, buti't tiyan ay di nabutas
inoperahan siya't nabigyan ng lunas

sa pagi-skateboard si Chowder ay kayhusay
may 1.6 milyon follower na patunay
sa skateboarding nang walang umaalalay
isang English bulldog, sikat na siyang tunay

buti't ganitong balitang nabigyang pansin
na kahit pala aso'y may mga kwento rin

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 12, 2025, p.5 at pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2025, p.4

Mag-ingat sa 50℃ na init sa Abril

MAG-INGAT SA 50℃ NA INIT SA ABRIL

mag-ingat tayo, O, kababayan
sa Abril, kaytindi raw ng init
abot limampung degri ba naman
kahit klima na'y nagmamalupit

iyan ang prediksyon ng PAGASA
iyan ay paghandaan na natin
paalala saanman magpunta
payong at tubig ay laging dalhin

magsuot ng damit na maluwag
inom ng tubig bago mauhaw
panatilihing basa ang balat
lumabas pag di tirik ang araw

iwasan nating magka-heat istrok
magsuot ng sumbrero, magpayong
magpaalam, di muna papasok
kung palagay mo't tamang desisyon

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 12, 2025, p.2
* PAGASA - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration

Ang payo ng KWF

ANG PAYO NG KWF

sa inyo, Komisyon sa Wikang Filipino
agad akong sumang-ayon sa payo ninyo
na ating gamitin ang Wikang Filipino
sa paglilingkod sa taumbayan, saludo!

bilang makata at aktibistang Spartan
wikang Filipino'y tinataguyod naman
sa aming pananalita, sa pulong bayan
sa mga akda, sanaysay, kwento't tula man

mababasa sa Taliba ng Maralita
na aming pahayagan sa kilusang dukha
wikang Filipino ang gamit naming sadya
upang mapatagos sa masa ang adhika

sa wikang ito'y nag-uunawaan kami
sa ganitong paraan nakakapagsilbi
sa taumbayang higit na nakararami
salamat sa payo at kaygandang mensahe

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025

* mapapanood ang bidyo ng KWF sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16MZY1t1jc/