Martes, Agosto 31, 2010

Nasang Libangan, Naging Libingan

NASANG LIBANGAN, NAGING LIBINGAN
(hinggil sa trahedyang hostage-taking na ikinasawi ng walong Tsino, Agosto 23, 2010)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang ninanasa nila'y libangan
at magkaroon ng kasiyahan
dito sa maganda nating bayan
ngunit napuntahan ay libingan

ang hostage-taker ay isang pulis
dahil sa kotong siya'y nadismis
mabalik sa trabaho ang nais
simpleng hangaring di na matiis

walong inosenteng buhay dito'y
winasak nitong pulis na gago
tunay ngang ang trahedyang ganito'y
sa atin ay nakapanlulumo

maglibang ang nais ng turista
kaya sa bansa'y nagtungo sila
libangan ang pinuntahan nila
ngunit sa libingan na napunta

ginawa ng walang kahihiyan
ay kahiya-hiya nga sa bayan
nasang libangan, naging libingan
dapat sa kanila'y katarungan

Ang Mga Nangawala

ANG MGA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(The United Nations Human Rights Council, in its regular session in June this 2010, adopted a resolution officially declaring August 30 as International Day of the Disappeared (IDD). This resolution is expected to be acted upon by the UN General Assembly this coming December.)

Bakit dapat pang may mangawala?
Bakit pamilya'y dapat lumuha?
Di dapat, di dapat may mawala
Dahil sa kanyang paniniwala.

Bulok na sistema'y nararapat
Palitan ng magsisilbing tapat
Mga aktibista'y pawang mulat
Na dapat ang sistema'y panlahat

Walang mahirap, walang mayaman
Simpleng pangarap ng sambayanan
Lipunang bulok ay papalitan
Sistema'y babaguhing tuluyan

Kaya bakit dapat mawala pa
Kung banal ang adhikain nila?
Dahil tatamaan ba'y burgesya
Ng pagbabago nitong sistema?

Mali bang mangarap na mabago
Itong kinagisnan nating mundo?
Mali bang karapatang pantao
Ay tamasahin ng lahat dito?

Ang pagsusuri ba sa lipunan
Ay isang ganap na kasalanan?
Pagwawasto ba sa kamalian
Ay isang ganap na kasalanan?

Walang mayaman, walang mahirap
Masama bang ito ang pangarap?
Masama bang masa'y ililingap
Upang tibak pa'y dukuting ganap?

Hustisya sa mga nangawala
Di na dapat meron pang lumuha
Magsama-sama lahat ng bansa
Nang makamtan ang mundong payapa