Martes, Nobyembre 11, 2025

Ang payò nila hinggil sa pag-inom

ANG PAYÒ NILA HINGGIL SA PAG-INOM

birthday ni Dad sa Disisyete ng Nobyembre
pamangkin ko sa Disiotso ng Nobyembre
Disinwebe naman ang utol kong babae
habang utol kong lalaki'y sa Bentesyete

ngayong a-Onse, ikalimang death monthsary
ng aking butihing asawang si Liberty
ano't kayraming kaganapan ng Nobyembre
sa araw ni Bonifacio pa'y magrarali

may payò nga ang ama kong namayapa na
na hanggang ngayon ay akin pang dala-dala:
"Huwag kang mag-iinom pag nalulungkot ka.
Mag-inom lang kung may okasyon o masaya."

tiyak, iyan din ang nanaisin ng sinta
huwag kong lunurin sa alak ang problema
oo, sa payò sa akin ay tama sila
Dad, Libay, salamat sa inyong paalala

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* litrato kuha sa kalapit na bar habang isang oras na naghihintay na magawâ ang tarp

Sana, Bagyo, tinangay mo na ang mga kurakot!

SANA, BAGYO, TINANGAY MO NA ANG MGA KURAKOT!

kayrami nang namatay sa bagyong Tino sa Cebu
si bagyong Uwan, nanalasa sa bansa ni Juan
sana ang tinangay nila'y korap na pulitiko
na nagpakasasa't nandambong sa pondo ng bayan

sana, namatay sa bagyo'y yaong mga kurakot
na birthday wish ng broadcaster na si Ms. Kara David
sana, inanod sa baha'y mga trapong balakyot
at di yaong mga mahihirap nating kapatid

bagyuhin sana'y mga kurakot sa ghost flood control
na nagsibukol ang bulsa sa nakaw nilang pondo;
salamat po, Sierra Madre, sa iyong pagtatanggol
sa maraming kababayan, lungsod at munisipyo

subalit kayrami mang SANA, baka di matupad
kung tao'y di kikilos upang ibagsak ang bulok
kung ang gulong ng katarungan ay sadyang kaykupad
at nanunungkulan pa rin ang mga trapong bugok

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* litrato mula sa pahayagang Remate, 11.08.2025

Lagot sila kay Agot

LAGOT SILA KAY AGOT

artistang si Agot Isidro, may tanong sa atin
di palaisipan ngunit ating pakaisipin:
"Kung kayo si Sierra Madre, sinong iboboto n'yo?"
na sinundan pa, "Yung papayag na kalbuhin kayo?"

may pasaring pa, "Panay ang Salamat Sierra Madre,
pero iboboto, yung mga pro-mining." mensahe
n'ya'y tagos, anya pa, "So alam na next election ha."
simpleng pahayag, sa puso'y kumukurot talaga

sa ulat ay nagawa raw ng mga kabundukan
ng Sierra Madre puksain, mata ng bagyong Uwan
kaya maraming sa Sierra Madre nagpasalamat
tila isa itong paanyayang gawin ng lahat

maraming salamat sa mga pasaring mo, Agot
sa mga minahang naninira ng mga bundok
lalo sa mga pulitikong kurakot at buktot
na nararapat lang na mapiit at mapanagot

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025

* ulat mula pahayagang Abante, 11.11.2025, p.5

Sa panlimang death monthsary ni misis

SA PANLIMANG DEATH MONTHSARY NI MISIS

ginunita ngayong a-Onse ng Nobyembre
muli'y pagsinta ang padala kong mensahe
sa panglimang death monthsary ng aking misis
nagpapakatatag kahit naghihinagpis

di pangkaraniwang araw bawat a-Onse
ng buwan, inaalala ang kinakasi
marami mang trabaho ay gugunitain
bawat a-Onse ay may tulang kakathain

napakapayak man ng aking nagagawâ
nagninilay bilang tanda ng paggunitâ
sa tahanan ay may kandilang itinirik
habang sa iwing puso'y may sinasatitik

tititigan kong muli ang iyong larawan
na tanging magagawâ sa kasalukuyan
bagamat maraming pagtutuunang pansin
saliksik, pagsasalin, pagkilos, sulatin

- gregoriovbituinjr.
11.11.2025