KAPAYAPAAN AT KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig
O, maaari bang kapayapaan
Ang ating ialay sa kaibigan
Sapagkat siya ang ating sandigan
Sa mga problema'y ating hingahan.
Ang payapang puso't payapang isip
Ay isa lang ba nating panaginip?
O, kaibigan kong di ko malirip
Sa problema mo'y ano ang sasagip?
Sa ating buhay at pakikibaka
Pag kaibiga'y ating nakasama
Ay gagaan ang anumang problema
Sapagkat naririyan lamang siya.
Kahit dumaan ang anumang sigwa
Kahit ang danasin pa'y dusa't luha
Ang kanyang handog ay ligaya't tuwa
Ang kanyang alay ay diwang payapa.
O, maraming salamat, kaibigan
Sapagkat ikaw'y palaging nariyan
Di ka na mawawalay sa isipan
Hininga ko ma'y mapugtong tuluyan.
Martes, Disyembre 9, 2008
Dagok sa Mukha
DAGOK SA MUKHA
(Sa Muling Pagkapanalo ng Pambansang Kamao)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig
Sa muling pagsabak ng pambansang kamao
Sa ibabaw ng lona't sa pagkapanalo
Ay muli na namang tampok ang Pilipino
Sa iba't ibang bayan at sa buong mundo.
Kalaban niya'y natuliro't nataranta
Nang matamaan ang matibay raw na panga
Kalaba'y nayanig sa bawat suntok niya
Puso'y lumalaban pa, katawa'y suko na.
Kaya't agad nagbunyi itong buong bayan
Nang umayaw na itong kanyang nakalaban
Umangat ring bigla ang ka-Pilipinuhan
Sa mata ng mundo at ng mga dayuhan.
Ngunit pagbubunyi'y pansamantala lamang
Kasiyaha'y tila ba droga sa katawan
Na kailangan ng bayang nahihirapan
Upang kahit saglit lang hirap ay maibsan.
Habang suntok niya'y dumadapo sa panga
Nagpapatuloy pa rin ang hirap ng masa
Walang trabaho, at gutom pa ang pamilya
Presyo ng bilihin ay sadyang kaytaas pa
Habang sa suntok niya'y panay ang hiyawan
Sa gobyerno'y patuloy din ang kurakutan
Negosyo na pati serbisyo't karapatan
Ito'y kaytinding dagok sa mukha ng bayan.
- Disyembre 7, 2008
pagkatapos manalo ni Pacquiao laban kay Dela Hoya
(Sa Muling Pagkapanalo ng Pambansang Kamao)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig
Sa muling pagsabak ng pambansang kamao
Sa ibabaw ng lona't sa pagkapanalo
Ay muli na namang tampok ang Pilipino
Sa iba't ibang bayan at sa buong mundo.
Kalaban niya'y natuliro't nataranta
Nang matamaan ang matibay raw na panga
Kalaba'y nayanig sa bawat suntok niya
Puso'y lumalaban pa, katawa'y suko na.
Kaya't agad nagbunyi itong buong bayan
Nang umayaw na itong kanyang nakalaban
Umangat ring bigla ang ka-Pilipinuhan
Sa mata ng mundo at ng mga dayuhan.
Ngunit pagbubunyi'y pansamantala lamang
Kasiyaha'y tila ba droga sa katawan
Na kailangan ng bayang nahihirapan
Upang kahit saglit lang hirap ay maibsan.
Habang suntok niya'y dumadapo sa panga
Nagpapatuloy pa rin ang hirap ng masa
Walang trabaho, at gutom pa ang pamilya
Presyo ng bilihin ay sadyang kaytaas pa
Habang sa suntok niya'y panay ang hiyawan
Sa gobyerno'y patuloy din ang kurakutan
Negosyo na pati serbisyo't karapatan
Ito'y kaytinding dagok sa mukha ng bayan.
- Disyembre 7, 2008
pagkatapos manalo ni Pacquiao laban kay Dela Hoya
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)