Makata ng lumbay ang taguri sa inyong lingkod
At lagi umanong sa kawalan ay nakatanghod
Kung susuriin, ang katha mismo'y pila-pilantod
Animo'y alaga sa kirot ang mga taludtod
Tula'y di madalumat, animo'y hitik sa dusa
Ang kalungkutan ng makata'y tanging kanyang-kanya
Nanlalamig ang kalooban, bangkay ang kapara
Ganggamunggo ang luha pagkat sinawi ng musa
Lupit ng kahapon ang humehele sa damdamin
Umaasang ang musa'y kanya pa ring maaangkin
Makatang sawimpalad ba'y nakasusulat pa rin?
Bakit sa kasawian siya'y nalulunod man din?
Ang tangi niyang magagawa habang nagninilay
Yapusin ang mga titik kahit nakahingalay
- gregbituinjr.