Lunes, Marso 22, 2010

Buldozer sa Iskwater

BULDOZER SA ISKWATER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga dukha'y galit dahil may buldozer
na dumating na sa lugar nilang iskwater
sinimulan na nitong tungkabin ang pader
pakiramdam ng dalita, sila'y minarder

marapat nilang pigilin ang demolisyon
kundi'y mawawalan sila ng bahay ngayon
bukod sa walang naganap na negosasyon
ay wala ring inihahaing relokasyon

kaya sa galit ng maralita'y binato
ang buldoser pati nagpapaandar nito
dukha man sila ngunit lalabang totoo
at handang ipaglaban ang tahanang ito

Habambuhay ang Pakikibaka

HABAMBUHAY ANG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

“Revolution is a serious thing, the most serious thing about a revolutionary's life. When one commits oneself to the struggle, it must be for a lifetime.” - Angela Davis

bakit nga ba nais mong magrebolusyon
ang mga nasa poder pa'y hinahamon
bakit ba ayaw lang nating maging miron
bakit sistema'y gusto nating ibaon

bakit aagawin ang kapangyarihan
mula sa mapagsamantalang gahaman
bakit ba sila'y dapat nating labanan
tinatahak na'y landas ng kamatayan

pagkat pangarap natin ang pagbabago
kaya buhay nati'y tinalaga rito
nang niyakap natin ang prinsipyong ito
di tayo nagloloko, tayo'y seryoso

ang paghihimagsik laban sa sistema
ay di laro lang kundi pakikibaka
nakataya'y buhay ng bawat kasama
kaya habambuhay ang pakikibaka