Miyerkules, Hunyo 15, 2016

Ang kadakilaan ng ating guro

ANG KADAKILAAN NG ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano nga ba susuklian ang kadakilaan
ng ating gurong naghawan nitong kinabukasan
may gantimpala kayang sa kanila'y nakalaan
tulad ng gintong puso sa kanilang kabutihan

ngunit anong natutunan ng mga pulitiko
sa mga guro't tuluyan na silang naging trapo
di na lingkodbayan kundi lingkod na ng negosyo
iyan ba'y epekto ng sistemang kapitalismo

guro ang tagahubog ng bukas ng mamamayan
paano ba nila tinuro ang maging huwaran
paano nila napapanuto ang lingkodbayan
upang di maglunoy sa putik ng katiwalian

ngunit kung mga guro gaano man kadakila
kung mga tinuruan nila'y wala ring magawa
sa lipunang naglipana iyang hunyango't linta
tila nasayang ang pagod nila't pagtitiyaga

paano nga ba susuklian ang kadakilaan
ng ating gurong naghawan nitong kinabukasan
kundi makita nilang ang kanilang tinuruan
ay matinong lingkod nitong bayan, di ng iilan

Sa mga nagpatalas ng aming pang-unawa

SA MGA NAGPATALAS NG AMING PANG-UNAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di namin itatago ang kanilang itinuro
kundi ito'y aming gagamitin sa araw-araw
tulad din ng di paglimot sa bawat naging guro
na gumabay sa buhay upang bukas ay matanaw

gabay sa magandang bukas na ating hinahanap
tungo sa pagtahak sa landas na makabuluhan
kasama sila sa pagbuo ng mga pangarap
tungo sa pagharap sa bukas na makahulugan

guro silang pinatalas ang aming pang-unawa
pagsusuri sa paligid, paggamit ng pandama
at natutong mangarap sa bansang puno ng dukha
habang aming pinaunlad ang dunong na nakuha

sa patuloy na pag-igting ng sanlaksang labanan
gabay anumang aral at danas na natutunan