Miyerkules, Oktubre 7, 2009

Tayo'y Iisang Daigdig

TAYO'Y IISANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Tayo'y nasa iisang daigdig
Na dapat punuan ng pag-ibig
Sa pag-asa tayo ay sumandig
Puso't diwa ang ating kaniig

Bakit ba tao'y nagpapatayan
Imbes na problema'y pag-usapan
Bakit nais lagi'y mag-initan
Imbes na sila'y naggagalangan

Anuman ang ating lahi't kulay
Tayo'y magkakapatid na tunay
Sa anumang problema'y kadamay
Bawat isa'y dapat maging gabay

Ating kapwa'y dapat irespeto
Lalo ang karapatang pantao
Iisang daigdig lamang tayo
Magmahalan na ang buong mundo

Paglisan sa Bangkok

PAGLISAN SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sa Bangkok ako'y lilisan
at babalik ng Maynila
tutulong sa bayanihan
ng tinamaan ng baha

kayrami ng apektado
ng nagdaan noong unos
na kumawawa sa tao
at tahanan ay inubos

naglandas ang mga luha
ng iba't ibang larawan
ng mga kawawang madla
na nawalan ng tahanan

kaya sa aking pagbalik
ako'y tutulong na agad
kahit lumusong sa putik
at paa'y muling mababad

magawa man ay kaunti
meron pa rin itong silbi
pagkat di tayo hihindi
sa apektadong kayrami

lilisan ako sa Bangkok
dala'y panibagong hamon
upang ako na'y tumutok
sa isyung climate change ngayon

nawa sa pagbabalik ko
ito ay mapag-usapan
dapat unawain ito
ng mga gobyerno't bayan

di dapat muling mangyari
ang naganap na delubyo
nang di tayo mapakali
pagkat tayo'y preparado



Niyebe sa Perlas ng Silangan

NIYEBE SA PERLAS NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano kaya kung umulan ng niyebe
marahil magtatampisaw rito'y marami
ngunit tiyak tayo'y magugulantang dine
ang tanong natin: paano ito nangyari

kung magkaniyebe sa perlas ng silangan
tayo ba'y uunlad na tulad sa kanluran
bansang may niyebe'y maunlad kadalasan
tulad ng sa Amerika't Europang bayan

ngunit niyebe'y di taal sa ating bansa
sari-sari na ang iisipin ng madla
may magsasabing magbago ang masasama
kaya ang bansang ito'y agad isinumpa

ngunit bakit ba magkakaniyebe rito
gayong tayo'y isang bansang nasa tropiko
kayganda ng panahon at di nagyeyelo
at ang ating bansa'y nasa gitna ng mundo

yaong bansang nasa dulo ang kaylalamig
sagad sa yelong sadyang nakapanginginig
magsasalita ka'y umaaso ang bibig
nanunuot ang ginaw sa laman at bisig

pag nagkaniyebe rito'y krisis ang klima
lagay ng panahon ay pabago-bago na
mababagong tiyak ang lakad sa pabrika
pati na sa mga kumpanya't opisina

mababagong tiyak ang ating pamumuhay
sa bagong klima'y baka di pa makasabay
marami'y hirap kung paano aagapay
kahit maaring malagpasan itong tunay

kung sakaling may niyebe sa ating bayan
aba'y agad alamin kung anong dahilan
ito'y talakayin at agad pag-usapan
bago pa ito magdulot ng kamatayan

Ang Mundo sa Kalan

ANG MUNDO SA KALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Ang ating mundo'y tila ba nasa kalan
Pagkat ito'y nag-iinit ng tuluyan
May global warming na dito sa silangan
At pati na sa buong sandaigdigan

Anong dapat nating gawin sa problema
Lalo't apektado'y ang lahat-lahat na
Kalikasan, kapaligiran, ang masa
At pati na ekonomya't pulitika

Nag-iinit ang mundo dahil nabutas
Ang atmospera sa dami na raw ng gas
Ang mga tao'y saan kaya lilikas
Pag nagpatuloy itong masamang landas

Sino bang naglagay ng mundo sa kalan
Yaon bang mahihirap o mayayaman
Sinong dapat sisihin ng mamamayan
Kung ang kalikasa'y masirang tuluyan

Ang mga pabrika ng kapitalista
Ay panay na usok ang ibinubuga
Coal power plant ang pinaaandar nila
Panay luho lang ang mga elitista

Tila ang burgesya'y walang pakialam
Ayaw hanguin ang mundong nasa kalan
Mga elitista'y walang pakiramdam
Kahit masira man itong kalikasan

Katwiran nila'y di agad apektado
Yaong tulad nilang mayayaman dito
Pabayaan daw ang karaniwang tao
Na mamatay sa pag-iinit ng mundo

Kung magsalita'y parang walang daigdig
Silang tahanan kaya ayaw palupig
Ngunit tayong karaniwan ay titindig
Hanggang silang elitista na'y manginig

Karaniwang masa'y dapat nang magsama
Mag-aklas na tayo laban sa burgesya
Palitan natin ang bulok na sistema
Maghanda nang gibain ang dibdib nila

Ang bawat laban ay ating paghandaan
Dapat nang magwagi sa mga gahaman
Mundo'y di dapat manatili sa kalan
Kaya ito'y ating hanguing tuluyan