Linggo, Agosto 24, 2025

Aguha at Habilog

AGUHA AT HABILOG

tanong: Pahalang Labindalawa
Kamay ng relos; sagot: AGUHA
sagot sa Labimpito Pababâ
HABILOG sa tanong: Biluhabâ

Aguha ay ngayon lang nalaman
gayong may Kongresistang Aguha
ang Biluhaba ay Oblong naman
na Habilog ang likhang salita

mga katagang buti't nabatid
ngayong Buwan ng Wika ay hatid
salitang sa krosword ko nasisid
pagtula'y ko'y di na mauumid

salamat sa Aguha't Habilog
sa diwa'y katagang yumuyugyog
pag mga salita'y kumukuyog
aking mga tula'y mahihinog

- gregoriovbituinjr.
08.24.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Agosto 23, 2025, p 10

Bagyong Isang Hataw

BAGYONG ISANG HATAW

kung walang kuwit o comma
mababahala ang masa
sa bumungad na balità
pukaw atensyon sa madlâ

ulat: Bagyong Isang, Hataw
hindi Bagyong Isang Hataw
pangalan ng bagyo'y Isang
hahataw sa kalunsuran

ang Bagyong Isang Hataw ba
ang Big One pag nanalasa
marami ang masasaktan
kaya mag-ingat, kabayan

aba'y Bagyong Isang Hataw
tila mundo'y magugunaw
buti't balita'y may kuwit
bagyong si Isang, hihirit

kaya ating paghandaan
ang pagbaha sa lansangan
lalo't pondo ng flood control
sa kurakot na'y bumukol

- gregoriovbituinjr.
08.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 23, 2025, p.2