Miyerkules, Marso 11, 2009

Obispong Komunista

OBISPONG KOMUNISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Minsan nga'y sinabi ni Obispo Camara:
"Nang bigyan ko ng pagkain ang maralita
Tinawag nila akong santong pinagpala.
Sa tanong kong 'Bakit pagkain dukha'y wala?'
Aba't tinawag agad akong komunista!"

Pagtanong ng 'Bakit?' ba'y isang kahangalan?
Komunista ka na kung nais mong malaman
Kung bakit may naghihirap at may mayaman
Kung bakit sa gobyerno'y maraming kawatan
Kung bakit ang serbisyo'y pinagtutubuan?

Bakit umiiral ang pagsasamantala?
Bakit naghahari'y uring kapitalista?
Bakit pawang tubo ang nasa isip nila?
Bakit laging kinakawawa itong masa?
Bakit dapat baguhin na itong sistema?

Ang pagtatanong ng 'Bakit?' ay tama lamang
Ito'y upang malaman ang mga dahilan
Ng mga nangyayari sa ating lipunan.
Pagtatanong na ito'y isang karapatan
Ng mga taong may tunay na karangalan.

* Obispo Helder Camara (1909-1999) ng Brazil, inihandog niya ang kanyang buong buhay para sa demokrasya't karapatan ng mga maralita

Pasakalye sa mga Hambog

PASAKALYE SA MGA HAMBOG
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

O, kayo diyang mga hambog
Ako man ay inyong madurog
Prinsipyo ko'y di maaalog
At diwa ko'y di malalasog.
Ulo ko'y di n'yo mabibilog
Kayo pa'y aking ilulubog
Sa inyong mga pagkahambog.