Huwebes, Abril 2, 2020

Nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain?

Nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain?

matapos maaprubahan ang bilyong barang ginto
na laang suporta laban sa pesteng nanggugupo
sa mamamayang nagugutom, subalit nakupo!
hari'y nagwala pa't nagugutom ang sinusugpo

imbes na sakit ang sugpuin, ano't mga dukha
na nagprotesta lang dahil makakain pa'y wala
"patayin ang mga iyan," ang hari'y nagngangawa
tila di bagay maging hari pagkat isip-bata

paano didisiplinahin ang kalam ng tiyan
pati bulate'y nag-aalburuto na rin naman
kawawa ang mga dukhang sikmura'y kumakalam
nais pang patayin nitong haring kasuklam-suklam

maaari bang isipin ng dukhang sila'y busog
gayong ramdam ang gutom, utak pa ng hari'y sabog
akala ang buhay ng tao'y parang sa bubuyog
na madaling paslangin at sa putik pa'y ilubog

di ba't karapatan ng nagugutom ang umangal
lalo't nakapiit sa bahay, walang pang-almusal
galit sa nagugutom ang bundat na haring hangal
na kampante lang nakaupo sa kanyang pedestal

dukhang gutom, binantaang pag umangal, paslangin
bakit napaupo sa trono iyang haring praning
nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain
ibigay sa mamamayan, huwag silang gutumin

- gregbituinjr.

Usapan ng mga langgam

USAPAN NG MGA LANGGAM

nag-uusap-usap ang pulutong ng mga langgam
paano raw masawata ang mga mapang-uyam
paano pagsasamantala'y tuluyang maparam
paano rin kakamtin ang lipunang inaasam
mga tanong na karaniwan nilang agam-agam

paano ka tutugon sa mga tanong na ito
lalo't dapat suriin ang kalagayan sa mundo
marahil, magkakaroon lamang ng pagbabago
kung walang pribadong pag-aaring pribilehiyo
ng mga nakakariwasa't mayayamang tao

babalik ba sa panahong primitibo komunal
kung saan may pagkapantay, buhay ay di marawal
baka bumalik ang panahong alipin at pyudal
at muling magsamantala ang mga may kapital
pag naulit lahat ng ito, tayo'y mga hangal

di matapos-tapos ang usapan nila't debate
hanggang ang kasalukuyan ay sinuring mabuti
pangarap na pagkapantay at prinsipyo'y sinabi
komunal man, ngunit di primitibo ang maigi
kundi progresibong komunal ang dapat mangyari

- gregbituinjr.

Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari

Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari

nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
animo'y nagpapatuloy pa ang pagkukunwari
"papatayin ko kayo!" sabi ng baliw na hari
karapatang pantao'y balewala't ginagapi

anila, sa dulo ng bahaghari'y may ginto raw
ngunit pinag-interesan ng mga trapo't bugaw
bilyong ginto para sa nasalanta'y inaagaw
tila ito sa likod ng taumbaya'y balaraw

lumitaw ang bahaghari nang matapos ang unos
may bagong unos sa nagprotestang gutom at kapos
nais silang patayin ng hari, ito ang utos
sa kanyang mga asong handang mangagat, umulos

bilyon-bilyong barang ginto'y para sa sambayanan
na sa dulo ng bahaghari'y kukunin na lamang
subalit pilit pinupuslit ng trapong gahaman
gayong nangangamatay na ang mga mamamayan

sa mga tampalasang iyon ay sinong uusig
dapat masa'y kumilos, isyung ito'y isatinig
kaya manggagawa't dukha'y dapat magkapitbisig
upang mga lilo't sukab ay tuluyang malupig

- gregbituinjr.

May puso sa alapaap

MAY PUSO SA ALAPAAP

aking nakita ang hugis-puso sa alapaap
animo'y nagbabadyang may pag-asa pa't paglingap
kahit marami nang nagugutom at naghihirap
ay babagsak din ang mga ganid at mapagpanggap

si Gabriel Garcia Marquez sa kanyang nobela'y
pinamagatan niyang "Love in the Time of Cholera"
nasulat sa wikang Espanyol, sinapelikula
nobelistang Nobel Prize winner na taga-Colombia

masulat kaya ang "Love in the Time of COVID-19"?
pahiwatig ba ang hugis-puso sa papawirin?
ang mga frontliner na ginagawa ang tungkulin
pagmamahal iyon sa kapwa't misyong niyakap din

nawa'y matapos na ang pananalasa ng salot
na umuutas, buong daigdig na ang sinaklot
subalit may pag-asa, di tayo dapat matakot
pagkakaisa't pag-ibig pa nawa'y maidulot

- gregbituinjr.

Ang buhay ko'y pakikibaka

Ang buhay ko'y pakikibaka

ang buhay ko'y buhay ng pakikibaka
marangal ang layon, isang aktibista
nasa'y panlipunang hustisya sa masa
at palitan na ang bulok na sistema

organisahin ang masa't makibaka
pagkapantay-pantay ang adhika't nasa
walang pang-aapi't pagsasamantala
di ba't simulaing ito'y anong ganda

ako'y aktibistang tuloy sa pagbaka
dukha't manggagawa ang laging kasama
na di mapakali pag api ang masa
kumikilos laban sa ugat ng dusa

nais kong mamatay sa tama ng bala
makaharap ko ma'y baril ng pasista
di ko hahayaang mamatay lang basta
tiyak na lalaban, tiyak na kakasa

aking adhikaing magbigay-pag-asa
masa'y ipaglaban at maorganisa
upang kamtin yaong tunay na hustisya
itayo'y lipunang sadyang sosyalista

- gregbituinjr.

Tula sa ika-232 kaarawan ni Gat Francisco Balagtas

TULA SA IKA-232 KAARAWAN NI GAT FRANCISCO BALAGTAS
(Abril 2, 1788 – Pebrero 20, 1862)

Makatang Balagtas, / tunay na dakila
At isang bayani / dahil sa inakda
Kinathang kayhusay / at matalinghaga
Ang Florante't Laura / n'ya'y kahanga-hanga!

Tila may kahawig / ito sa daigdig
Ang Romeo't Juliet / na kaibig-ibig
Na haraya'y tigib / ng pagsinta't usig
Gising ang pag-ibig / na di palulupig!

Kiko Balagtas na / dakilang totoo
Isang pagbati po / sa kaarawan mo
Kahit naghihirap, / pagbati'y narito
O, Kiko Balagtas, / tunay kang idolo!

Balik-balikan man / ang kanyang sinulat
Ang bayan nga'y sadyang / dito'y mamumulat
Lilo't tampalasan, / taksil na kabalat
Ating pag-ingatan / nang di makasugat.

Gagawin ko pa rin / ang planong pagkatha
Tutula ng isang / kwentong anong haba
Alay ko sa dukha't / uring manggagawa
Sana, habang buhay / pa'y aking magawa.

- gregbituinjr.
04.02.2020