Lunes, Marso 28, 2022

Sa lumang aklatan

SA LUMANG AKLATAN

tara, tayo'y magtungo sa mga lumang library
makasaysayang aklatang tiyak kawili-wili
mapupuntahan ang mga lugar na di masabi
mababasa'y samutsaring paksang makabubuti
sa daigdig, sa bansa, sa masa, at sa sarili

aking aamuyin ang mabasa kong aklat doon
at daramhin ang iba't ibang paksa ng kahapon
bakasakaling bahaginan ng naroong dunong
mga karunungang sa bansa'y makapagsusulong
ng pag-unlad ng lahat, di ng iilang mayroon

malalakbay ko sa library'y kontinente't bansa
upang mabatid ang mga makabuluhang paksa
malaman bakit sa historya'y gayon ang ginawa
paano napagsamantalahan ang manggagawa
anong sistemang yumurak sa dignidad ng dukha

nais kong mapuntahan ang mga lumang aklatan
baka sa mga agiw ay may tagong karunungan
baka sa amoy ng libro, makapa'y katapatan
ng awtor sa ibinahagi niyang kaalaman
sa mga paksang baka makabubuti sa tanan

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

Sa muling nilay

SA MULING NILAY

naglalakbay akong tila walang patutunguhan
sa isang madawag na sabana sa kagubatan
na tinatahak na pala'y kumunoy sa kawalan
nakaambang panganib ay paano malusutan

para bang panagimpan ng buong pagkasiphayo
aba'y ilang ulit ko na bang tinangkang maglaho
subalit nagigising na lang sa pagkarahuyo
sa diwatang lumaban sa mga trapo't hunyango

nais naming makaalpas sa pangil ng buwitre
o sa kuko ng agilang talaga ngang salbahe
o sa apoy ng dragon na nangangamoy asupre
nais naming magwagi sa labanang sadyang grabe

ah, marahil ito'y dala lang ng problema't gutom
nais kong magsalita subalit bibig ay tikom
tila binusalan ng mga nag-aastang hukom
dama'y nailarawan na lang sa kamaong kuyom

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

Nang mamalengke si Ka Leody

NANG MAMALENGKE SI KA LEODY

karaniwang tao, magaling na lider-obrero
sa mataas na posisyon sa bansa'y tumatakbo
bilang Pangulo, ang kinatawan ng simpleng tao
upang mamunong anim na taon sa bansang ito

karaniwang tao, siya mismo'y namamalengke
para sa asawa, anak, bisita, kuya, ate
nakita minsang bumili ng isda, gulay, karne
aba'y nakatsinelas lang noon si Ka Leody

di katulad ng trapong animo'y hari talaga
pulos alalay, may utusan na, may kutusan pa;
iba si Ka Leody, di trapo, puso'y sa masa
nakikibaka, ang madla sa kanya'y may pag-asa

kaya ganyang may puso sa masa'y dapat mahalal
karaniwang tao, naghahanda ng pang-almusal,
tanghalian at hapunan para sa minamahal
ganyan ang pinunong magaling, mabuti ang asal

- gregoriovbituinjr.
03.28.2022

* minsang papunta si Ka Leody sa Cainta market nang matiyempuhan siya ng masmidya
* litrato mula sa fb