Miyerkules, Setyembre 30, 2020

Ang karatula sa dyip

"No face mask, no ride" ang mas lohikal nitong mensahe
nakapaskil sa dyip kaninang ako'y namasahe
malaking NO't tig-apat na letrang magkakatabi
disenyo nito'y tila may kaibang sinasabi

tingnan muli ang ayos ng letra't baka matawa
"No face", aba'y wala ka bang mukhang ipapakita?
"No mask", anong tingin nila sa mukha mo, maskara?
"No ride", di ka makakasakay, pag wala kang pera?

minsan, natatawa lang tayo sa ating sarili
lalo't disenyo sa karatula'y kaiba kasi
"No face mask, no ride", pwede pag magandang binibini?
pag walang face mask, bawal sumakay, kahit ang seksi!

pag "no face, no mask, no ride", iba na ang kahulugan
matatawa ka na lang pag disenyo'y inayunan
malamig, di malagim, ang pusikat na karimlan
buti't sa pag-uwi'y may dyip pa rin akong nasakyan

- gregoriovbituinjr.

Imbudo para sa pageekobrik

mas madali nang magpasok ng ginupit na plastik
sa maliliit na bunganga nitong boteng plastik
gamit ang imbudo upang plastik ay maisiksik
upang bumilis ang trabaho sa pageekobrik

kaya nang makita ko ang imbudo sa groseri
kasama ko si misis, ito'y amin nang binili
at dahil na rin sa imbudo, mas nakawiwili
ang gawaing pag-eekobrik, ako mismo'y saksi

noon, natatapon sa sahig ang mga ginupit
na plastik, ngayong may imbudo, kaydaling isingit
walang nahuhulog na plastik lalo't maliliit
tila mas may inspirasyon sa panahong malupit

panahong kaylupit dahil sa kwarantina't COVID
kaya sa pageekobrik ang buhay nabubulid
subalit ayos lang habang may trabaho pang lingid
hintay pa ang patawag, magsimula pag nabatid

- gregoriovbituinjr.


Huwag magtapon ng basura sa karagatan

kayganda ng payo sa kwadernong aking nabili
kwadernong dapat gamitin ng mga estudyante
madaling maunawaan, sadyang napakasimple
halina't basahin: "Do not throw garbage into the sea."

pakatitigan mo pa ang mga dibuho roon
isdang may plastik sa tiyan pagkat kumain niyon
kahihinatnan ng tao pag nangyari'y ganoon
kakainin natin ang isdang plastik ang nilamon

nabubulunan na nga ang karagatan sa plastik
kagagawan iyon ng tao, dagat na'y humibik
paano malulutas ang basurang inihasik
ng tao sa dagat, kilos, huwag patumpik-tumpik

ngunit ngayong nananalasa ang coronavirus
lumaganap muli ang plastik, di na mabatikos
ngunit sino bang lulutas sa problema'y aayos
sa daigdig na sa plastik nalulunod nang lubos

hangga't di pa huli ang lahat, tayo'y magsigalaw
bago pa tayo balingan ng plastik na halimaw
plastik ay di nabubulok, tila ito balaraw
sa ating likod, kumilos na tayo, ako, ikaw

- gregoriovbituinjr.

Mahirap indain

mahirap indain ang samutsaring naririnig
dahil walang trabaho'y pabigat, nakabibikig
dapat nang umalis na tila di mo napakinig
yaong ayaw mapakinggang mapang-uyam na tinig

pabigat, palamunin, wala kasing sinasahod
di naman papepi, lampa, o mahina ang tuhod
bakit di magtrabaho't kumayod lang at kumayod
kaysa tumunganga't mangalay ang leeg at likod

subalit ayaw tanggapin sa trabaho ang tibak
di kabisado ang salita, sila'y hahalakhak
wala ring mga bakante, kung gusto mo'y magsibak
ng kahoy na kinuha't sibakin doon sa lambak

walang problema kung kaya, ang trabaho'y gagawin
basta huwag lang paparinggang ako'y palamunin
anumang trabaho'y kakayanin ko't papasukin
basta kahit ako'y tibak ay kanilang tanggapin

huwag lang nilang hamakin ang aking pagkatao
na pabigat at palamunin dahil walang sweldo
kung patuloy pang lalaitin, aalis na ako
at muling babalik sa kinikilusan kong mundo

- gregoriovbituinjr.