Miyerkules, Disyembre 25, 2013

Buksan ang Regalo at Puso

BUKSAN ANG REGALO AT PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa pagdiriwang natin nitong Kapaskuhan
di lamang regalo ang dapat nating buksan
pagkat panahon ito ng pagbibigayan
at di lamang pagtanggap ng mga laruan
damit, gamit, pulutan, o pag-iinuman

ating buksan di lang regalo kundi puso
sa mga kasama, katrabaho, kadugo
ang Pasko'y di panahon ng pagkasiphayo
kundi pagpapatawad, di pagkatuliro
maigi kung ang regalo natin ay puso

ang Kapaskuhan ay panahon ng pag-ibig
pagmamahal sa bawat isa'y maririnig
Pasko'y pagsilang ng mapagpalayang kabig
ng sambayanang sa problema'y natutulig
pagbabago ang nais nilang maulinig

buksan ang regalo, ang bagay na materyal
buksan ang puso, ialay ang pagmamahal
pakikipagkapwa nawa'y laging umiral
sa bawat araw na sa atin dumaratal
upang bawat isa'y mabuhay ng may dangal

Kapos sa pamilya, ubos-biyaya sa alak

KAPOS SA PAMILYA, UBOS-BIYAYA SA ALAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan, nagtanong ang kapatid kong babae
sadyang pambukas-isip ang tanong ni Ate
"bakit may mga taong kapos sa pamilya
na pagdating sa alak ay ubos-biyaya?"
ako'y natauhan sa binitiwang tanong
ang sinabi niya'y isang pagkakataon
upang pagnilayang mabuti ang sarili
ang kaunti kong pera ba'y ipambibili
ng alak at pulutan, mag-ubos biyaya
at hindi tipirin ang naipon kong pera
isang tanong iyong pinapipili ako
kung anong mahalaga sa dalawang ito
ubusin sa alak ang ipon kong salapi
sa pamilya'y wala nang laman ang kalupi
maraming salamat, Ate, sa iyong puna
mas dapat kong pahalagahan ang pamilya