Huwebes, Abril 14, 2016

Kami'y magsasaka

KAMI'Y MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kami'y magsasaka, sa lupa'y iyong kaagapay
na tuwinang inihahasik ay butil ng buhay
ngunit paano kung sa pagsasaka na'y manamlay
tiyak na ang mundong ito'y magugutom na tunay

ang bawat pag-aararo'y katas ng aming pawis
tulad noong dagat na daloy ay mula sa batis
sa lupa, binhi ng buhay itong inihahagis
pagkawala ng butil tiyak naming itatangis

kami'y magsasaka, kaagapay nitong lipunan
ang kinakain mo'y tumubo sa aming sakahan
palay, bigas, kanin, pang-agahan hanggang hapunan
mga sari-saring prutas, niyog, saging, gulayan

kami'y magsasaka, kasama mo sa pagbabago
iyong kaagapay, dumatal man iyang delubyo
tulad mo, magsasaka'y may karapatang pantao
na dapat ay batid ng lahat at nirerespeto

* kinatha noong madaling araw ng Abril 14, 2016 sa Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna; ito ang unang tulang binasa sa solidarity night sa DAR sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kung ano ang itinanim

KUNG ANO ANG ITINANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kung ano ang itinanim, siya ring aanihin
kasabihang Pilipino at pangmagsasaka rin
kung anong ginawa sa kapwa'y siya ring gagawin
kumbaga'y ito ang "Golden Rule" o gintong tuntunin
na gabay-paalala sa bawat isa sa atin

kung halimbawang pinya'y tinanim ng magsasaka
hindi ito magbubunga ng santol kundi pinya
kung palay ang iyong tanim, palay ang ibubunga
magiging bigas, pag iniluto'y kanin sa mesa
kumbaga'y ito ang Gintong Palay para sa masa

kaya sa mga magsasakang kasama sa lakad
nagkakaisa tayo sa ating layon at hangad
upang sa bayan bulok na sistema'y mailantad
ipinaglalaban ng magsasaka ang dignidad
para sa kinabukasan ng pamilya't pag-unlad

itinatanim natin ngayon ay mga prinsipyo
simulain, adhikain, para sa bansang ito
at maitatag ang isang lipunang makatao
para sa magsasaka, kalikasan, at obrero
para sa hustisya't karapatan ng kapwa tao

- sinulat sa tapat ng Liceo de Los Baños (dating Immaculate Academy) na aming tinigilan ng gabi, Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Lupa, Lupa para sa Magsasaka!

LUPA, LUPA PARA SA MAGSASAKA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kanilang sinasalubong ang magandang umaga
ang araw na tila baga sagana sa biyaya
kay-aga nilang magsipag at kaysisipag nila
sa pagputok ng bukangliwayway ay nagsasaka

bibisita sa bukid, kumusta ang mga tanim
sa mga bulaklak ba'y may bago nang masisimsim
mga puno ba'y nakapagbibigay na ng lilim
ang inahin ba sa mga itlog na'y lumilimlim

habang nasa bukid bigla silang napatigagal
prime agricultural land, ginawa nang industriyal
sa kanayunan, mga kapitalista'y dumatal
lupa'y inaagaw sa magsasakang nagbubungkal

ang maayang umaga'y nabalutan ng karimlan
inaagaw na pala ang lupa nilang sakahan
banta na ang mga korporasyon sa bayan-bayan
subalit magsasaka'y huwag itong papayagan

"Lupa, lupa, para sa magsasaka!" yaong sigaw
kanilang mga panawagan ay sadyang kaylinaw
lupa para sa magsasaka'y di lamang ihiyaw
kundi sa bawat nayon, ito'y ipaalingawngaw

- kinatha habang nagpapahinga ang martsa sa San Isidro Labrador Parish sa Calauan, Laguna, tanghali ng Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Ipot ng ibon sa aking pantalon

IPOT NG IBON SA AKING PANTALON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantg bawat taludtod

nasa loob ako ng simbahang iyon
nang aking mapansin sa aking pantalon
nadumihang tila may ipot ng ibon
nang mapatingala, mayro'ng humahapon

at aking tinanggal ng paunti-unti
ang ipot ng ibong yaong tila sawi
kung sa akin iyon ang kanyang pagbati
sa kalumbayan ko animo'y pampawi

habang nagsisimba itong magsasaka
bago magsimula ang mahabang martsa
marahil ang ibon ay nagbasbas muna
ipot ba'y babala o isang biyaya

ipot ay kapara ng maruming putik
sa mga sakahang basa sa tikatik
ng ulan, marumi ngunit natititik
ibon ay may alay na sanlibong halik

- kinatha gabi matapos ang misa sa Immaculate Concepcion Parish ng Los Baños, Laguna, Abril 14, 2016

Pakikiisa ng kaparian sa mga magsasaka

PAKIKIISA NG KAPARIAN SA MGA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagsermon yaong pari hinggil sa pakikiisa
sa laban ng magsasaka't tila saulo niya
ang coco levy fund at isyu nitong magsasaka
dapat raw sa agraryo'y magkaroon ng reporma

isang grupo roon ay inihandog ngang totoo
ang pagkaing laan sa kanilang anibersaryo
ngunit sabi ng pari, may laan naman sa dayo
na dumaan sa parokya nila't nagsimba rito

sa inyo pong pakikiisa'y maraming salamat
tunay nga pong layunin ng magsasaka'y kaybigat
naglalakad ng kaylayo upang madala ngang sukat
ang daing nila sa gobyernong dapat kabalikat

salamat po sa pakikiisa ng kaparian
nang hinaing nila'y magkaroon ng kalutasan

- kinatha matapos ang misa sa Immaculate Concepcion Parish ng Los Baños, Laguna, Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Coco Levy Fund, ibalik sa magsasaka

COCO LEVY FUND, IBALIK SA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

coco levy fund ay pondo para sa magsasaka
may karapatan sila sa pinaghirapan nila
ngunit ito'y inagaw sa kanila ng burgesya
lalo't ng panginoong maylupa't kapitalista
aba'y tama ba naman ito, nahan ang hustisya

ating dinggin ang magsasaka sa kanilang hibik
silang sa lupa'y dugo't pawis na ang inihasik
halina't ipakitang tayo'y hindi tatahimik
dapat coco levy fund sa magsasaka'y ibalik
at panginoong maylupa'y ibiting patiwarik

* binasa sa Calamba Crossing habang nagpoprograma roon ang mga nagmamartsang magsasaka, Abril 14, 2016, bandang ikatlo ng hapon
- kinatha ang tulang ito ng umaga ng araw ding iyon sa San Isidro Labrador Parish na aming pinagpahingahan at pinagtanghalian
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016