KAMI'Y MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
kami'y magsasaka, sa lupa'y iyong kaagapay
na tuwinang inihahasik ay butil ng buhay
ngunit paano kung sa pagsasaka na'y manamlay
tiyak na ang mundong ito'y magugutom na tunay
ang bawat pag-aararo'y katas ng aming pawis
tulad noong dagat na daloy ay mula sa batis
sa lupa, binhi ng buhay itong inihahagis
pagkawala ng butil tiyak naming itatangis
kami'y magsasaka, kaagapay nitong lipunan
ang kinakain mo'y tumubo sa aming sakahan
palay, bigas, kanin, pang-agahan hanggang hapunan
mga sari-saring prutas, niyog, saging, gulayan
kami'y magsasaka, kasama mo sa pagbabago
iyong kaagapay, dumatal man iyang delubyo
tulad mo, magsasaka'y may karapatang pantao
na dapat ay batid ng lahat at nirerespeto
* kinatha noong madaling araw ng Abril 14, 2016 sa Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna; ito ang unang tulang binasa sa solidarity night sa DAR sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento