ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
wala yaong nagpinta sa pader ng Allen, kaya
ginawan ng paraan, tulung-tulong na nilikha
mahabang tela'y hinugisan upang maging giya
ng bawat isa, at bawat isa'y nagpintang kusa
limang talampakan ang lapad, dalawampung yarda
at malaking "Climate Justice Now!" ang ipininta
may iba't ibang hugis sa gilid ng mga letra
diskarte, iba't ibang kulay, tulong-tulong sila
at may nagpinta rin naman sa panali sa ulo
ganuon din, "Climate Justice Now" yaong nakasentro
banner ay nilagyan ng kahoy, hahawakan ito
naghahanda na sa tatawiring San Juanico
yaon ang bisperas ng lakad patungong Tacloban
lahat naghahanda, marami pang nagdaratingan
bakas ang tuwa, seryoso, nakikipaghuntahan
halos di makatulog, kahit nakapikit naman
magdamag pinatuyo ang streamer na bumakat
sa sementong sahig, tila pinintahan ding sukat
iyon ay alaala't paalaala sa lahat
di pa tapos ang laban, magkaisa tayong lahat
- Basey Town Gymnasium, Basey, Samar, Nobyembre 7, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda