Linggo, Hunyo 4, 2023

Lalapag na ang eroplano (Sa eroplano, Bidyo 10)

LALAPAG NA ANG EROPLANO
(Sa eroplano, Bidyo 10)

naroon pa ring patuloy na nagninilay
ang nasasadiwa'y samutsaring palagay
hanggang eroplano'y naghanda na ring tunay
sa paglapag mula mahabang paglalakbay

inihanda kong muli ang selpon-kamera
upang mismong pag-landing ay mabidyuhan pa
ano nang pakiramdan? saya ba o kaba?
marahil saya dahil makakauwi na

handa nang magbidyo upang may maikwento
anong nasa isip, ano bang naengkwentro
anong nakita habang nasa eroplano
bukod pa sa ngiti ng istewardes dito

"ako'y uuwi na, mahal ko", anang awit
biyahe'y tanghali kaya di na pumikit
at minasdan ang ulap, panganorin, langit,
dagat at kalupaang animo'y kayliit

- gregoriovbituinjr.
06.04.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqhPzEsSQU/

Lugar na mapuno at nagtatayugang gusali (Sa eroplano, Bidyo 9)

LUGAR NA MAPUNO AT NAGTATAYUGANG GUSALI
(Sa eroplano, Bidyo 9)

may lugar pa palang pulos puno sa atin
sa animo'y kalunsurang nakita lang din
sa ere nang minamasdan ang panganorin
lupa'y tanaw, ah, pagbaba'y malapit na rin

katabi lang ng nagtatayugang gusali
ang mapunong lugar, buti't napanatili
animo sa lungsod, gubat ang kalahati
na sadyang nagbibigay ng magandang ngiti

dapat lang pangalagaan ang kalikasan
huwag salaulain ang kapaligiran
huwag kalbuhin ang bundok at kagubatan
mga pinutol na puno'y dapat palitan

iyan ang nasa diwa hinggil sa nakita
nang nasa ere, naninilay ang problema
paano kalikasa'y maprotektahan pa
nang di sirain ng tusong kapitalista

- gregoriovbituinjr.
06.04.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqdBdVe_BP/