Martes, Pebrero 8, 2011

Si Gracchus Babeuf

SI GRACCHUS BABEUF
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pranses siyang may paniwala sa komunismo
na ang pag-aari'y pantay-pantay sa tao
na siyang batayan ng paglaya sa mundo
isang lipunang magkapatid ang obrero

si Gracchus Babeuf man din ay nangangarap
ng isang lipunang malaya't may paglingap
ngunit nakikita niya'y napakalasap
pagkabigo ng bayan ay di niya matanggap

nais niyang mag-ari ng lupa ang bayan
at sa lupa'y walang mag-aaring sinuman
ani sa lupa'y pantay na pagbahaginan
tamasahin ng lahat ang pinagpaguran

kaya nang lumipas ang Rebolusyong Pranses
pag-organisa sa obrero'y di mabilis
natantong baka ideya niya'y magmintis
kaya diskarte'y binago't nang di magahis

agarang solusyon ang kanilang pinakay
solusyon nila'y Sabwatan ng Pantay-Pantay
layon nilang kapangyarihan ng kaaway
ay kanila nang makuha't mapasakamay

edukasyong diktaduryal ang itatayo
upang sa obrero, komunismo'y ituro
na magandang sistema, kung mapapagtanto
ngunit di natuloy, ang nangyari'y madugo

Sabwatan ng Pantay-Pantay ay inaresto
layon at plano nila'y nawasak ng todo
dinurog ng kaaway ang kanilang grupo
si Gracchus Babeuf, pinugutan ng ulo

pagkilos nila'y unang bugso ng paggawa
paglantad ng kakayahan ng manggagawa
na gobyerno’y maagaw sa mga kuhila
bigo man, saysay niya'y tumatak sa madla

* Sabwatan ng Pantay-Pantay - Conspiracy of Equals