Lunes, Nobyembre 8, 2010

Kalayaan sa Takot

KALAYAAN SA TAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"The only real prison is fear, and the only real freedom is freedom from fear." ~ Aung San Suu Kyi

hangga't takot tayo't di pumapalag
tatanggapin natin lagi'y paghamak
pang-aapi'y dapat nating ilantad
at bulok na sistema'y maibagsak

kung nabibilanggo tayo sa takot
lagi na lang tayong manghihilakbot
kung lagi lang tayong lalambot-lambot
aapihin lang ng mga kilabot

ang dulot ng takot ay laging luha
para bang sa buhay ay isinumpa
at ang hinahanap ngayon ng madla
sa takot ay ganap tayong lumaya

lalaya lang kung mauunawaan
kung bakit dapat walang katakutan
kung bakit dapat nating malabanan
kung bakit bulok itong lipunan

ang takot ay huwag nating isipin
pagkat takot nama'y mawawala rin
mga mang-aapi'y ating durugin
pagsasamantala'y ating gapiin

mabubuhay tayong may katarungan
sa mundong itong kayraming gahaman
kumilos tayo't takot ay iwasan
nang matamo'y ganap na kalayaan

Nasa ng Magkatalingpuso

NASA NG MAGKATALINGPUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

(mula sa isang blog - 3 things that you want in a relationship: "Eyes that won't cry, Lips that won't lie, and Love that won't die!")

mayroon daw tatlong bagay
na dapat tandaang tunay
nang relasyon ay tumibay:
pagsintang di mamamatay
dapat mata'y di luluha
labi'y di magkakaila
itong tatlo kaipala
ang niig ng puso't diwa