Martes, Abril 25, 2017

Nay Lilia Nacario, Lider-Maralita

NAY LILIA NACARIO, LIDER-MARALITA
(9 Nobyembre 1946 - 19 Abril 2017)

siya'y nanay-nanayan namin sa kilusan
lider-maralita, matatag at palaban
sa pakikibaka'y maraming karanasan
sa kanya'y kayrami naming napag-aralan

ipinaglaban ang makataong pabahay
naging tagapayo, dalita'y kaagapay
karapatan ng dukha'y pinaglabang tunay
sa maraming maralita'y nagsilbing nanay

ang Samahan ng Walang Tahanan - SAWATA
ay sadyang pinamunuan ng buong sigla
mabuting pinunong aming tinitingala
ipinaglaban ang kapakanan ng dukha

mabuhay ka, Nay Lilia, di ka malilimot
pagkat nakibaka ng walang pag-iimbot
maraming salamat, di mo ipinagdamot
sa kapwa dukha ang payo mo, saya't lungkot

mabuhay ka! mabuhay! Nay Lilia Nacario
sa iyong pamumuno kami'y taas-noo
sa puso'y taglay namin ang alaala mo
kami po'y nagpupugay ng taas-kamao

- gregbituinjr.
- nilikha at tinula sa luksang parangal sa bahay ng namayapang Nay Lilia Nacario sa SAWATA sa Lungsod ng Kalookan, Abril 25, 2017

Pinoy tayo

PINOY TAYO
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Pinoy tayo, may sariling kultura
mula sa ninuno'y ating minana
dumanas man ng sigwa't pagdurusa
Pinoy pag sama-sama, may pag-asa

subalit dapat maging positibo
yaong kaugaliang negatibo
di ningas-kugon kundi ningas-bao
ang plano'y tinatapos ng pulido

kinaugaliang mañana habit
ang katapat nito'y handa na habit
ginagawa ang kayang gawin ngayon
di bukas kung matatapos maghapon

ant mentality, di crab mentality
sama-sama tayong nagpupursigi
huwag maghihilahan ng pababa
kundi magtulong-tulong sa adhika

Pinoy ay di laging huli sa oras
kundi maaga sa maraming antas
mahirap na magsasaka'y kaysipag
nasa bukid na bago magliwanag

mga negatibong kaugalian
ay marapat lang na ating palitan
na kung atin lamang pagsisikapan
ay malaking tulong sa sambayanan

25 Abril 2017
nilikha sa aktibidad ng Bantayog Initiative sa TriMoNa, Lungsod Quezon