Huwebes, Disyembre 5, 2024

Salamisim

SALAMISIM

isang buwang higit sa ospital
di sapat ang pambayad, kaymahal
narito kaming di makalabas
kundi muna mabuo ang bayad

kay misis kanina'y nasabi ko
noong nilakad ko'y dokumento
"sa ospital ay uuwi ako"
akala mo'y bahay namin ito

sana may mahanap pang salapi
baka sa lotto kami'y magwagi
magsangla kung merong pag-aari
o kaya'y magbenta na ng puri

sana'y may mahagilap pang pera
nang sa ospital makalabas na
ay, dito na ba kami titira?
gayong kwarto'y kaymahal talaga

nababaon na kami sa utang
panay lang ang paghanap, sige lang
anong gagawing pamamaraan?
upang makalabas nang tuluyan?!

- gregoriovbituinjr.
12.05.2024

Kaligtasan

KALIGTASAN

kaligtasan niya'y prayoridad
ito ang talaga kong naisip
nang karamdaman niya'y nalantad
sa akin, dapat siyang masagip

dinala sa ospital na iyon
upang magamot siyang totoo
nang di pa batid ang presyo niyon
lumobong dalawang milyong piso

subalit dapat siyang magamot
malutas agad ang sakit niya
at maligtas sa gayong bangungot
kaya agad siyang inopera

pagkat tiyak na ang kamatayan
kung bituka'y tuluyang mabulok
lapot ng dugo'y kaytindi naman
oxygen sa ugat di pumasok

bagamat sa pambayad pa'y kapos
kaya di pa makalabas dito
mahalaga siya'y nakaraos
pantustos ay hanap pang totoo

paglabas, gamutan ay patuloy
blood thinner ay madalas bibilhin
upang sa ugat ay mapadaloy
nang sa sakit tuluyang gumaling

- gregoriovbituinjr.
12.05.2024