Sabado, Mayo 22, 2021

Sa pagtawid ng tulay

SA PAGTAWID NG TULAY

maging mahinahon lang, huwag laging magmadali
at magtatagumpay din sa pagbabakasakali
alamin ang puno't dulo, ano ba yaong sanhi
kaya mainam kung tayo'y palaging nagsusuri

maagang umuuwi upang di basta mabulid
sa dilim sa kahihinatnang di na nalilingid
lalo't kilala ang sariling madalas maumid
dungo, kimi, subalit panganib ay nababatid

kailangang tumawid, sumakabila ng tulay
upang makita ang naglalaguang mga uhay
aanihin na ng magsasaka ang gintong palay
upang kanilang pamilya'y may makakaing tunay

habang patuloy sa lakad na kilo-kilometro
ginagampanan ang adhikain, nag-uusyoso
bakit ba ganyan, bakit ganoon, bakit ganito
ah, tinitiyak laging may pagsusuring kongkreto

at narating din ang tulay patungo sa kabila
nagisnan ang kalunos-lunos na buhay ng dukha
matamang nakinig sa adhika ng manggagawa
at kumbinsido akong mayroon pang magagawa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Ang mga kagila-gilalas

ANG MGA KAGILA-GILALAS

noon nga'y Pilipino't Amerikanong digmaan
"bandoleros" ay nagpakita ng kabayanihan
sila'y sina Luciano San Miguel, Julian Montalan,
Macario sakay, Katipunerong tunay, palaban

datapwat kayrami pang bayani sa ating bansa
ang lumaban upang makamit ang sintang paglaya
sa paniniwalang katutubo'y marami din nga
yaong ating mga bayani, diwata, bathala

dinggin ang kwento nina Humadapnon, Labaw Donggon,
Agyu, Sinangkating Bulawan, Malubay Hanginon,
Walain Pirimbingan, Matabagka, Aliguyon, 
Kudaman, Taake, Lam-ang, Taguwasi, at Laon

nariyan ang mga diwatang sina Idyanale,
Bangan, Lalahon, Ibu, Gaygayona, Ikapati,
Alunsina, Aran, Darago, Ipepemehandi,
Bugan, Anagolay, Daungen, Lang-an, Bait Pandi

marami tayong Bathala tulad nina Balangaw,
Manama, Ogassi, Amansinaya, Burolakaw,
Tungkung Langit, Makabosog, Gugurang, Manawbanaw,
Angalo, Malyari, Mandarangan, at Talagbusaw

ang iba pang Bathala'y huwag nating kalimutan
pagkat nariyan sina Lumawig at Kabunyian
ngalang Aponitolau, Kadaklan, Libtakan, Kaptan
na mga patnubay ng katutubong mamamayan

marami pang ibang pangalang tunay na dakila
sa ating mga katutubong may paniniwala
magbasa-basa upang matuklasan nating pawa
ang ating kulturang dapat batid at isadiwa

- gregoriovbituinjr.

* mga pangalan ay hango sa mga aklat na Bandoleros at Mga Nilalang na Kagila-gilalas

Ang solong halaman sa kanal

ANG SOLONG HALAMAN SA KANAL

kahit dukha mang nakatira sa tabi ng kanal
kung nagpapakatao't nabubuhay ng marangal
siya'y yayabong din sa gitna man ng mga hangal
at ang dukhang iyon ay baka ituring pang banal

saan mo dadalhin ang kayamanang inaari
kung sa iyong kapwa'y di naman ibinabahagi
di naman sila nagsikap, ang iyong pagsusuri
kasalanan naman nila kung sila'y mapalungi

kayang mabuhay ng halaman sa kanal na iyon
sapagkat nagpunyagi ang binhing napadpad doon
tubig, hangin, kalikasan ang sa kanya'y tumulong
sarili'y di pinabayaan, nagsikap, umusbong

marahil, siya'y tulad kong mag-isa sa pagkatha
o ako'y tulad niyang mag-isang sumasalunga
sa agos ng lipunang kayraming nagdaralita
subalit naaalpasan ang hirap, dusa't luha

ah, solo man akong halamang umusbong sa lungsod
ngunit di ako mananatiling tagapanood
may pakialam sa isyu ng lipunan, di tuod
na kasangga ng magsasaka't manggagawang pagod

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa kanyang nadaanan

Sa bundok na iyon

SA BUNDOK NA IYON

kaytalim ng pangungusap na naroong narinig
na sa buong katauhan ko'y nakapanginginig
kumbaga sa pagkain ay sadyang nakabibikig
sa puso'y tumusok ang sinabing nakatutulig

nararanasan din natin sa buhay ang karimlan
subalit dapat magpakatatag at manindigan
sa kapwa'y gawin ang tama't talagang kabutihan
daratal din ang umagang buong kaliwanagan

kung isa lamang akong lawin, nais kong lumipad
upang iba't ibang panig ng bansa'y magalugad
upang makipag-usap sa kapareho ng hangad
upang pagbabagong asam sa masa'y mailahad

kung isa lamang akong nilalang na naging bundok
tulad ng nasa alamat o kwentong bayang arok
hahayaang masisipag ay marating ang tuktok
habang naghahangad palitan ang sistemang bulok

kung isa akong bagani sa mga kwento't tula
pinamumunuan ay mga bunying mandirigma
itatayo ko'y lipunang malaya't maginhawa
kung saan walang inggitan, alitan, dusa't luha

kung sa isang liblib na pook, ako'y pulitiko
mamamayan ko'y di basahan at ako'y di trapo
ang serbisyo'y serbisyo, di dapat gawing negosyo
tunay na pamamahala'y pagsisilbi sa tao

nasa kabundukan man, hangad ay kapayapaan
payapang puso't diwa, di lamang katahimikan
na madarama sa isang makataong lipunan
oo, sadyang pagpapakatao'y kahalagahan

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google