Miyerkules, Marso 20, 2024

Sa bisperas ng World Poetry Day

SA BISPERAS NG WORLD POETRY DAY

taaskamao akong sumama sa rali
itinula ang nasasaloob ko sabi
iyon ang gawaing aking ikinawili
ang nasasadiwa'y itula kong mensahe

patuloy kong itutula ang laksang paksa
lalo't isyu ng manggagawa't maralita
tutula sa piketlayn man ng manggagawa
ilarawan ang kalagayan nilang sadya

sa bisperas ng World Poetry Day, nais ko
pa ring itula'y paninindiga't prinsipyo
na maitayo ang lipunang makatao
walang magsamantala ng tao sa tao

sa lahat ng makata, ako'y nagpupugay
tula ng tula, mabuhay kayo, MABUHAY!
sa toreng garing man ay wala tayong tunay
ang masa'y kasama natin sa paglalakbay

- gregoriovbituinjr.
03.20.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa rali patungong House of Representatives, anti-ChaCha rali, Marso 20, 2024

5 atletang Pinay, pararangalan

5 ATLETANG PINAY, PARARANGALAN

limang mahuhusay na atletang kababaihan
sa Unang Women in Sports Awards pararangalan
ito'y katibayan na anuman ang kasarian
ay makikilala rin sa pinili mong larangan

una si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz,
sunod ay si volleyball superstar Alyssa Valdez,
ang iba pa'y sina skateboarder Margielyn Diaz,
billiard queen Rubilen Amit, mountain climber Carina

Dayondon, sa kanila'y talaga ngang hahanga ka
wala pa riyan si tennis star Alex Eala
sa kasalukuyan ay binibigyang sigla nila
ang isports ng bansa kaya sila'y kinikilala

sa limang magigiting, taospusong pagpupugay
sa pinasok na larangan, patuloy na magsikhay
hanggang inyong marating ang tugatog ng tagumpay
muli, sa inyong lima, mabuhay kayo! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
03.20.2024

* balita mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 19, 2024, pahina 8