Martes, Marso 23, 2021

Soneto sa lockdown

Lockdown na naman, at tahimik ang mga lansangan
Ah, sana ganito'y hindi na panahon ng tokhang
Kundi panahon ng pagninilay sa kaligtasan
Dumungaw man sa bintana'y walang nag-iiyakan
Alam ko, sapagkat wala nang pinaglalamayan
Walang lalabas kahit anong init sa tahanan
Nawa'y hulihin lang ang lalabag, walang pagpaslang

Nais kong itulog na lang bawat alalahanin
At managinip habang di pa maarok ang lalim
Ng laot nitong samutsaring pangamba't panindim
Alagatain ang mutya habang narito't gising
Mutyang diwatang naninilay sa gabing madilim
Ah, may curfew na, dapat na ring maging matiisin
Ngunit nais kong lumabas, bibili ng pagkain.

- gregoriovbituinjr.

Tulad ko'y bihirang magtaksi

aba, mga tulad ko kasi'y hindi nagtataksi
sabihin mo nang ako'y di sosyal, dukha, o pobre
mabuti pang mag-dyip, mag-bus, o kaya'y mag-L.R.T.
o kung may araw pa'y maglakad lang sa tabi-tabi

kaymahal ng taksi, pag-upo pa lang ay singkwenta
tumaas na ng sampung piso ang dating kwarenta
sa dyip, ang minimum na pasahe'y nasa nwebe pa
sa bus ay onse, mura sa transportasyong pangmasa

karaniwan, naglalakad lang ako't ehersisyo
lalo't malapit lang, nasa apat na kilometro
lalo't kayhaba ng pila sa L.R.T., ay naku
sa nadaanan nga'y nakakakuha ng litrato

buti pang maglakad o maipit ng trapik sa dyip
ang dama ko'y mas ligtas, lumilipad man ang isip
at nagsusulat sa diwa ng kathang halukipkip
mag-ingat lamang sa pagtawid upang di mahagip

- gregbituinjr.