Sabado, Mayo 20, 2023

Mga sagisag ng sipnayan

MGA SAGISAG SA SIPNAYAN

bata pa'y ating napag-aralan
ang mga sagisag sa sipnayan
o matematika, kaalamang
gamit natin bilang mamamayan

at sa araw-gabing pamumuhay
kaalamang dapat nating taglay
sa bayad-sukli o perang bigay
sa pagkalkula'y di masisinsay

nariyan ang plus, minus, multiply, 
divide, percent, because, equality,
is greater than, sum of, empty set, pi, 
is less than, square root, infinity

salamat sa ganitong simbolo
at nauunawa ang numero
sa pagkwenta doon, kwenta dito
habang marami ring mga kwento

sina Pythagoras, Archimedes,
Euclid, Hypatia, Eratosthenes,
Anaxagoras, Diocles, Thales,
Fibonacci, Diophantus, Ganesh,

Turing, Euler, Ramanujan, Fermat,
Gauss, mga personalidad sa math
kalkulasyon ay di na mabigat
simbolo'y pinagpapasalamat

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* litrato mula sa google

Inadobong kangkong

INADOBONG KANGKONG

binili ko'y santaling kangkong, bente pesos
pag-uwi'y pinitas muna ang mga talbos
pinili yaong mga sangang maninipis
at akin itong ginayat ng maliliit

bawang at sibuyas ay ginisa ko muna
pati munting sanga ng kangkong ay sinama
nang sumarap ang amoy, saka inihalo
ang handang isang tasang tubig, suka't toyo

murang gulay, pampalakas pa ng katawan
bagamat niluluto lang paminsan-minsan
kanina'y pananghalian namin ni misis
mura man, basta sa gutom ay di magtiis

adobong kangkong, kaysarap na lutong bahay
buti't pagluluto'y akin ding napaghusay
nang makakain, nagpahinga na't nabusog
sa inulam naming talagang pampalusog

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kErMKW--Vj/

Si Mingming, anak ni Muning

SI MINGMING, ANAK NI MUNING

isa siya sa dalawang naunang anak
ni Muning, bukod sa anim pang bunsong anak
kaya nga walo na silang magkakapatid
na ilan ay di ko na makita, di batid

ang anim ay naging lima, ngayon na'y apat
ngunit sa tabi-tabi lang sila nagkalat
marahil 'yung iba'y may ibang natambayan
at doon nakahanap ng makakainan

ito namang si Mingming, may batik na itim
tambay lang sa tapat kahit gabing madilim
mas malaki na siya kaysa kanyang ina
isa sa bunso pa'y halos kamukha niya

maraming tula hinggil sa kanila'y pakay
at mailarawan din sila sa sanaysay
may litrato na, may bidyo pa, at may kwento
ano bang buhay nilang aking napagtanto

minsan, pag may ulam na isda't di naubos
pasalubong na ang ulo't balat ng bangus
buti't di nila kinakalmot ang tulad ko
baka gusto rin nilang haplusin sa ulo

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kEprdW5U6g/