Lunes, Marso 7, 2022

Alagang aso

ALAGANG ASO

tila baga nagmamakaawa
na bigyan ng pagkain ang tuta
o maliit pang asong alaga
sa isang pamayanan ng dukha

nanananghalian kami noon
matapos ang munting edukasyon
nang aso'y nagsusumamo doon
gutom, siya'y aking pinalamon

ako nama'y natuwa sa aso
sa asta nitong pagsusumamo
matapos siyang mapakain ko
ay hinawakan ang kanyang ulo

di umiling, animo'y masaya
na parang aalagaan siya
tila ba lumuluha ang mata
nang siya'y malitratuhan ko na

sa tao, ang aso'y kaibigan
kaya sila'y inaalagaan
balang araw, ika'y gagantihan
ipagtatanggol ka sa kalaban

- gregoriovbituinjr.
03.07.2022

Dahon

DAHON

"Tayo'y Mga Dahon Lamang," anang awit ng ASIN
dahon sa matatag na punong kinapitan natin
pakinggan mo ang awit, talinghaga'y anong lalim
subalit mauunawaan din ng tulad natin

nakakapit sa sanga'y matibay kahit maginaw
ang gabing ang mga kuliglig ay pumapalahaw
ang bitaminang pampalakas ay sinag ng araw
dahon tayong pag nalagas sa puno'y maninilaw

tayo'y dahon ng punong matatag at nasa lupa
di tulad ng elitistang mapangmata sa dukha
tayo'y karaniwang taong nabuhay sa paggawa
ang matatag na puno'y daigdig, o buong bansa

dahong di parehas ang tubo, iba-ibang uri
may mapagsamantala sa lipunan, naghahari
may laksa-laksang naghihirap at kumain dili
may nabubuhay sa lakas-paggawa, anluwagi

kaya kami'y nangangarap ng pantay na lipunan
na sistema'y di nakakasira ng kalikasan
na hustisya'y di para sa mayaman o iilan
sa yaman ng lipunan, dapat lahat makinabang

oo, tayo'y dahon lamang sa munti nating mundo
ngunit dapat karapatang pantao'y irespeto
hustisyang panlipunan ay pairaling totoo
at itayo na natin ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
03.07.2022

Sa Sitio Nagpatong

SA SITIO NAGPATONG

mga magsasaka / ng Sitio Nagpatong
yaong pinuntahan / sa'mi'y sumalubong
laking kagalakan / ang magkita roon
tungkol sa problemang / palupa ang layon

maraming salamat / at kami'y tinanggap
sa munting bulwagan / ng kapwa mahirap
mga lider doon / ay nakipag-usap
upang suliranin / ay aming magagap

anang tagaroon, / bawal ang bisita
kaya problema rin / yaong mga gwardya
mabuti na lamang / ay nagkakaisa
yaong nakausap / naming magsasaka

pinakilala rin / ating kandidato
ang lider-obrero / sa pagkapangulo
ng bansa, para sa / karapatan ninyo
para may kasangga / sa paggogobyerno

mahalagang tunay / yaong talakayan
problema sa lupang / dapat matugunan
lider pa'y kasama / pa sa pagawaan
noon ng ating Ka / Leody de Guzman

- gregoriovbituinjr.
03.07.2022
* nagtungo rito minsan ang pamunuan ng KPML
* litratong kuha ng makatang gala sa nasabing pamayanan