Martes, Marso 15, 2016

Matalulot na halik

MATALULOT NA HALIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

bigla kong hinagkan ang dilag
na sa puso ko’y nagpapitlag
bumuhay sa buhay kong hungkag

pangarap siya’t minumutya
kahit hirin sa dusa’t luha
na sa puso ko’y dumaragsa

ngunit sampal yaong inabot
sapagkat walang pahintulot
ang paghalik kong matalulot

Paglalakad sa kawalan

PAGLALAKAD SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

naglalakad ako sa kawalan
tila isip ay nadirimlan
nagbabaha na sa lansangan
dahil sa malakas na ulan
ngayon, tila nabubusalan
bawat salitan gkinagisnan
paano ba malulunasan
ang nangyari sa daigdigan
kung tayo’y walang pakialam

Kung maging kandila sa dilim

KUNG MAGING KANDILA SA DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung maging kandila sa dilim
sa panahong puno ng lagim
yaon na’y tugon sa panimdim
at mga karima-rimarim
na nangyaring di mailihim

kung maging kandila sa dilim
animo tayo’y nasa lilim
lalo’t rosas ang nasisimsim
ng pusong dalisay ang lalim

Di kasalanang maging dukha

DI KASALANANG MAGING DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 na pantig bawat taludtod

kasalanan na ba ng dukha
ang kanyang pagdaralita
ang pagiging dukha ba’ysumpa
kaya sila napariwara
dahil ba kami’y walang-wala
ay tuturingang hampaslupa
sinilang kaming walang lupa
ngunit ang dusa’y timba-timba
ah, ang maging dukha’y di sala