Linggo, Mayo 9, 2010

Salamat, Ara Mina, Diyosa


SALAMAT, ARA MINA, DIYOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tinititigan ko ang mukha sa magasin
totoong kayganda niya't ng ngiting angkin
yaong magasin nga'y nais ko sanang bilhin
ngunit walang perang pambiling babasahin

marapat sambahin ang kaygandang diyosa
siya ang nasa puso ko't isip tuwina
sinasambit-sambit ko nga ang ngalan niya
larawan lang, sa harapan ko'y wala siya

kaygandang Ara Mina, ako'y binihag mo
ngunit hanggang pangarap lang kita, alam ko
gayunman, naging inspirasyon kang totoo
upang magsipag ako't magsikap ng todo

maraming salamat, Ara Mina, sa ngiti
alam kong ngiti mo'y di isang palamuti
pinagaan mo ang diwa, loob ko't budhi
inspirasyon kang sa puso’y di mapapawi

Sa Araw ng mga Ina

SA ARAW NG MGA INA
(HAPPY MOTHER'S DAY)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minamahal naming ina, dakila kayo
kayong nagluwal sa aming mga anak nyo
kung wala kayo, kami kaya’y naririto?
wala, wala kami, ina, kung wala kayo!

kaya kami sa araw ninyo’y nagpupugay
pagkat kayo’y kasama sa saya at lumbay
liwanag kayong nagbigay aral at gabay
sa amin, mabigo man kami’t magtagumpay

kami’y hinugot ngunit di sa inyong tadyang
kami’y hinugot sa inyong sinapupunan
kaming sanggol sa loob ng siyam na buwan
na minahal nyo’t talagang inalagaan

salamat po sa inyo, ina naming mahal
mahal namin kayong sa amin ay nagluwal
at umukit ng aming pagkatao’t dangal
marapat lang kayong iluklok sa pedestal