Martes, Oktubre 27, 2009

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
mga kapwa puno habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Blakawt

BLAKAWT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dumampi sa kandila ang amihan
at nagsayaw ang apoy sa karimlan
lasenggo'y wala na sa katinuan
ang bote ng gin ay nakatulugan

kailaliman na iyon ng gabi
ang lasenggo'y wala na sa sarili
kainuman nya'y di na mapakali
pagkat kung anu-anong sinasabi

walang talang naligaw sa magdamag
wala ring anumang ilaw-dagitab
habang ang lasenggo'y tila ba bangag
nakatihaya na't di makausap

sadyang kaydilim ng buong paligid
lasenggo'y nagdilim na rin ang isip

Kung Paano Magmalasakit ang mga Tibak

KUNG PAANO MAGMALASAKIT ANG MGA TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maluwag ang pusong walang hinanakit
sa pagtulong itong mga aktibista
sa kanilang kapwang tigib ng pasakit
na nabubuhay sa bulok na sistema

"ako'y nauuhaw," ang sabi ng dukha
"ito po ang tubig," anang aktibista
"maraming salamat," anang maralita
"ngunit ang nais ko'y tubig at hustisya"

"ako'y nagugutom," sabi ng mahirap
"ito ang pagkain," anang aktibista
"o, salamat ngunit di ko matatanggap
pagkat gutom ka rin kaya nakibaka"

"sahod ko'y kaybaba," anang manggagawa
"ni di makabuhay sa aking pamilya
gayong laging laspag ang lakas-paggawa"
"sahod mo'y itaas!" anang aktibista

"lipuna'y di pantay," sabi ng babae
"mula sa pabrika'y may gawaing bahay
at di na ako makaugaga dine,"
anang tibak, "tayo nang lumabang sabay"

"nais kong mag-aral," anang kabataan
"ngunit kaymahal na nitong edukasyon"
anang aktibista, "dapat libre iyan
o pamurahin nang abot-kaya ngayon"

anang magsasaka, "nais nami'y lupa
na sasakahin at tatamnan ng palay"
anang tibak, "nang di na kayo lumuha
malalaking lupa'y dapat ipamigay"

"o, bayani kayong mga aktibista"
agad na papuri nitong sambayanan
"di kami bayani," sagot sa kanila
"pagkat lahat ito'y dapat ipaglaban"

"kami'y sadyang wala namang ibibigay
pagkat ang serbisyo'y negosyo na ngayon
dapat karapatan ay ilabang tunay
at ito'y diwang sa puso'y nakabaon"

"halina't baguhin ang lipunang bulok
ibagsak ang salot na kapitalismo
at sa bawat isa't atin nang iudyok
na ipaglaban na itong pagbabago"

Hiling ng Bata sa Buwan

HILING NG BATA SA BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(batay sa isang lumang tulang pambata)

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng aklat!
Aanhin mo ang aklat?
Nang ako'y mamulat.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng lapis!
Aanhin mo ang lapis?
Susulatin ang nais.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng papel!
Aanhin mo ba ang papel?
Susulatan ko ang anghel.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng kwaderno
Aanhin mo ba ang kwaderno?
Nang tula ko'y maipon dito.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng isang guro!
Aanhin mo ba ang isang guro?
Upang sa akin ay may magturo.

Bata, Bata
Maaari bang isa-isa lang?
Bakit ba, Buwan, isa-isa lang?
Dahil kayrami mong kahilingan.

Buwan, Buwan
Maaari bang bumaba ka rito?
Bakit naman diyan bababa ako?
Sasakyan kita't maglalaro tayo!

Ang Bandido

ANG BANDIDO
(mula sa pelikula ni FPJ)
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

Siya si Daniel Bartolo
Turing sa kanya'y bandido
Sa baril ay asintado
Di natitinag ang pulso

Tagapagtanggol ng masa
At matulungin sa kapwa
Mag prinsipyong dala-dala
Pang-aapi'y laban siya

Siya si Daniel Bartolo
Bayani ng Sapang Bato
Tunay siyang maginoo
At lagi pang taas-noo