Biyernes, Nobyembre 12, 2021

Ako

AKO

hangga't nasa bundok, di ako ang tunay na ako
tila baga hiram lang ang tangan kong pagkatao
mapagkunwari, nakikisama sa tagarito
mapagpanggap, ibang-iba sa tangan kong prinsipyo
animo'y naghihingalo na ang tunay na ako

nais kong mabuwal sa sariling pinanggalingan
doon sa lansangan at putikan kong nilakaran
kaysa langit na kunwari'y nagbabait-baitan
mabuti pa sa impyernong masiglâ ang katawan
at nasang lipunang makatao'y matupad naman

sa tunay kong pagiging ako'y nais kong bumalik
kaysa nagkukunwari sa bundok at walang imik
sinasayang lang ang buhay na doon isiniksik
lalo't isyu ng bayan ay dinig kong hinihibik
ng obrero, pesante't dukhang dapat isatitik

ako'y makatâ ng putik, makatang maglulupâ
ako'y makatâ ng lumbay, na tula'y luha't sigwâ
ako'y makatâ ng dalitang ano't namumutlâ
at sa uring proletaryo'y makatang laging handâ
na misyong isatitik ang laksang isyu ng madlâ

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Hamon ng aklat

HAMON NG AKLAT

nakabili ako sa Bookends ng dalawang aklat
isa'y hinggil sa maikling kwento ng manunulat
na may mga komentong dapat ding araling sukat
isa'y nobela ni Isaac Asimov na sikat
na nobelista ng sci-fi, buti't aking nabuklat

sa Bookends nga'y kaytagal ko nang nais makapunta
at nagkaroon lang ng pagkakataon kanina
upang diwa'y paunlarin sa bagong mababasa
at mapaunlad ang kasanayan bilang kwentista
mula sa pagtulâ, aba, ako'y magkukwento na

may aklat akong kalipunan ng maikling kwento
na nilathala na noon ng Aklatang Obrero
iyon ang unang sampung maikling kwentong akda ko
subalit di na nasundan pa ang libro kong ito
sana'y makagawa muli ng panibagong kwento

taospusong pasasalamat sa pagkakataon
upang mabili ang mahahalagang librong iyon
ang halaga'y discounted pa, aba'y salamat doon
pagsulat pa ng science fiction ay malaking hamon
tila ako'y tinawag, at agad akong tumugon

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

ang BookEnds ay isang bookstore sa Lungsod ng Baguio, malapit sa Burnham Park

Kalma lang

KALMA LANG

kalmado pa rin ba ang dagat
kahit na basura'y nagkalat
kahit maraming nabibinat
kahit covid na'y sumambulat

kalmado pa rin ba ang loob
kung ako'y di nakapagsuob
kung sa layon ay di marubdob
kung sa dibdib ay pulos kutob

kalmado pa rin ba ang puso
kung nawala na ang pagsuyo
kung pag-ibig na ay naglaho
kung dumatal na ang siphayo

kalma lang, ang payo sa akin
problema'y huwag didibdibin
anupaman ang suliranin
iyan ay may kalutasan din

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Habilin

HABILIN

pag ako na'y binurol, may tatlong gabing tulaan
unang gabi'y para sa grupong makakalikasan
ikalawa'y sa kapwa makata, pampanitikan
ikatlo'y luksang parangal, tulaan sa kilusan
habang libing o kaya'y kremasyon kinabukasan

wala na akong ibang hihilingin pa sa burol
pagkat sa panahong iyon ay di na makatutol
bahala na ang bayan kung anong kanilang hatol
sana, sa huling sandali, pagtula'y di maputol
datapwat may isang hiling pang nais kong ihabol

sa lapida'y may ukit na maso na siyang tanda
na ako'y tapat na lingkod ng uring manggagawa
sa ilalim ng pangalan, nasusulat sa baba:
"Makatang lingkod ng proletaryo, bayan at madla
Mga tula'y pinagsilbi sa manggagawa't dukha"

pinagmamalaki kong ako'y nagsilbi ng tapat
bilang aktibistang mulat at kapwa'y minumulat
tungo sa lipunang makatao't lahat ay sapat
makata akong taospusong nagpapasalamat
sa kapwa tibak, sa kamakata, sa inyong lahat

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021