Huwebes, Oktubre 2, 2008

Minsan na akong naging makinista

MINSAN NA AKONG NAGING MAKINISTA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig

tatlong taong singkad akong naging obrero
sa kumpanyang pinasukan ko, ngala'y PECCO
doon sa Metal Press Department ang trabaho
ang AIDA Press Machine ang kasa-kasama ko

makinista akong di makinis ang tangan
kundi maruruming makina't magagaspang
dahil laging gamit ngayo't kinabukasan
upang moldehin ang maraming kasangkapan

sari-saring pyesa ng floppy disk ang gawa
may rotor, isteytor, plastik, c-guide, ang likha
pati plato ng telepono'y aming gawa
sa trabaho nga'y di na magkandaugaga

mula sa koyl, bubutasin ang isang korte
ililipat ng makina sa bagong molde
ililipat muli ng makina ang siste
dinaanan ng bawat produkto'y kayrami

ang kota ko lagi'y limanglibong produkto
ang gagawin sa walong oras na trabaho
salpak ang produkto't ang makina'y pindot ko
c-guide pa lang, pitong makina ang proseso

pero nakakatuwang maging makinista
natutunang magsuri ng plano't programa
pati na ang takbo sa loob ng pabrika
na nakatulong sa buhay ko sa tuwina

ilang taon na pala akong wala doon
ngunit kaysarap gunitain ng kahapon
minsan na akong naging makinista noon
na ipinagmamalaki ko hanggang ngayon

maraming salamat sa mga alaala
sa mga aral at karanasang pamana
pamilyar pa rin ako sa mga makina
di ko malilimutan saan man magpunta

Ang gamit kong apat na makina

ANG GAMIT KONG APAT NA MAKINA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig

noong ako'y trabahador pa sa kumpanya
sa nakalipas na mga ilang taon na
naranas kong hawaka'y apat na makina
ngunit may mayor akong tangan sa tuwina

ang una't palagi kong hawak ay ang molde
na babagsak, aangat, upang maikorte
ang nakarolyong materyales sa may tabi
sa tatlong taon, ito'y aking inintindi

sunod ang maliit na makinang salpakan
ng isang pyesa sa produktong nabutasan
ididikit iyon ng makina kong tangan
saka ipapasa sa obrerong kahanggan

ang sunod nama'y ang makinang may asido
tagatanggal ng langis sa mga produkto
ngunit kay-init pagkat kumukulo ito
kaya mahirap kung dito ka madestino

sunod na makina'y tagatanggal ng magnet
produkto'y dadaan sa makinang mainit
pag di dumaan dito'y di pwede ang gamit
dahil sa produkto'y may magneto pang pagkit

pahawakin akong muli nitong makina
tiyak apat na iya'y kabisado ko pa
tatlong taon ba namang gamit ko tuwina
kaya di ko limot at aking nakabisa