Martes, Hulyo 8, 2025

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

pangit bang tawanan ang kababawan
katulad ng payak naming biruan
ng kapatid, kasama, kaibigan

anong kahulugan ng kalaliman
na kapara'y laot ng karagatan
o ng di maarok na kalangitan

nginingitian ko anumang bagay
di sa lalim o kababawang taglay
kundi dahil napukaw akong tunay

lalo na't isa lang abang makatâ
na kahit paano'y handa sa sigwâ
bata pa ako'y sanay na sa baha

sana'y maarok gaano kalalim
ang karagatan, pati suliranin
ng maralitang di naman alipin

upang mas tumibay pa ang prinsipyo
karapatang pantao'y irespeto
at matayo'y lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
07.08.2025

Kulay madilim ang mariposa

KULAY MADILIM ANG MARIPOSA

nabidyuhan ko ang paruparo
kulay madilim na mariposa
tila di na makalipad ito
buting siya'y magpahinga muna

di makalipad, baka napagod
wala na bang nektar ang bulaklak?
lalo't kapaligiran ay lungsod
sa polusyon ba ay napahamak?

patuloy ako sa paglalakad
malayu-layo ring hahakbangin
mariposa sana'y makalipad
nalilirip ko sana nga'y dinggin

nagdidilim din ang alapaap
ulang malakas ay nagbabadya
kung nagdidilim man ang pangarap
aaraw din paglipas ng sigwa

- gregoriovbituinjr.
07.08.2025

* mapapanood ang bisyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19Y6CgA51X/