Lunes, Nobyembre 29, 2010

Dugo ng mga Hangal

DUGO NG MGA HANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

paano ba natin paaapawin ang dugo ng mga hangal
na kapitalistang madalas yumurak sa ating dangal
paano ba natin pipigain ang kanilang dugo sa imburnal
upang mawala na sa mundo ang tulad nilang mga kriminal

paano ba natin dudurugin ang kapitalistang walang pagkatao
silang walang puso sa kapwa gayong sila nama'y mukhang tao
paano ba natin babalatan ng buhay ang mapang-api sa obrero
sa pagsasamantala nila sa masa'y basta lang ba papayag tayo

halina't kumilos tayo't paapawin ang dugo ng mga hangal
na kapitalistang madalas yumurak sa pagkatao nati't dangal
halina't unti-unti nating pigain ang dugo nila sa imburnal
upang mawala na sa mundo ang tulad nilang mga kriminal

Pagbabago, Sosyalismo

PAGBABAGO, SOSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(nilikha sa pagdalo sa 2 araw na "Socialist Conference", Nobyembre 27-28, 2010)

sa kumperensyang iyon umaalingawngaw
"Pagbabago, Sosyalismo!" ang sinisigaw
sadyang may pag-asa na kaming natatanaw
tila gutom sa hustisya'y biglang natighaw

iyo ngang dinggin, "Pagbabago, Sosyalismo!"
ito nga ang lunas sa hirap ng obrero
ito nga ang dapat matutunan ng tao
dapat makasama sila sa pagbabago

sosyalismo nga ang lunas sa ating hirap
sosyalismong titiyak na tayo'y malilingap
sosyalismong kaytagal na nating pangarap
halina't kumilos nang ito'y maging ganap

isigaw natin, "Pagbabago, Sosyalismo"
sosyalismo ang lunas na hanap ng tao
mag-organisa tayo tungong sosyalismo
mag-organisa tayo hanggang sosyalismo