Martes, Hulyo 21, 2020

Patuloy na pageekobrik

tanong sa akin, hindi pa ba matatapos iyan?
hinggil sa ekobrik na gawa ko paminsan-minsan
sabi ko lang, gawaing ito'y walang katapusan
hangga'y kayrami pang plastik sa ating basurahan

oo, wala pang katapusan ang gawaing ito
hangga't wala pang makitang ibang solusyon dito
hangga' may bumabarang plastik sa mga estero
hangga't wala pa ring disiplina ang mga tao

pumumpuno ng plastik ang ilog at karagatan
mabingwit mo, kung di isda'y plastik ang karamihan
tapon dito, tapon doon, mundo na'y basurahan
ekobrik ay pagsagip din sa ating kalikasan

patuloy akong mageekobrik hangga't may plastik
gugupitin itong maliliit at isisiksik
sa boteng plastik, na patitigasin ngang tila brick
hangga'y may plastik, gagawa't gagawa ng ekobrik

- gregbituinjr.

Saglit na paglipad ng mga sisiw

wala pang dalawang buwan ay nakalilipad na
ang mga sisiw na itong dati nga'y labing-isa
sabi ng aking biyenan, namatay daw ang isa
baka yaong pilay na sisiw, di ko na nakita

sa tubong nakakabit nga sila'y palipad-lipad
tutuntong doon, mamamahingang animo'y pugad
pagsisiyapan nila'y musikang animo'y ballad
kaysarap pakinggang animo'y orkestrang tumambad

subalit di sila makalipad tulad ng ibon
na sa ere'y kayang magpalutang buong maghapon
tila ginaya nila'y mga mayang naglimayon
na madalas makasama nila ritong humapon

wala pa silang dalawang buwan ngunit kaylakas
gamit ang pakpak ay palipad-lipad ding madalas
subalit saglit lang, kakapit na sila sa baras
sana'y maging matatag pa sila ngayon at bukas

- gregbituinjr.

Ang nawawalang inahin

ang inahing manok ay dalawang araw nawala
hinanap ko sa gubat, bandang ilog, sa kaliwa
ngunit ang tinig niya'y di ko marinig sa lupa
hanggang pinauwi ni misis, maggagabi na nga

naalala kong isang paa niya'y nakatali
kaya kinabukasan muli'y nagbakasakali
alagang inahing manok ay hinanap kong muli
di na sa kaliwa, tumungo sa kanang bahagi

dala ko ang isang sisiw sa kulungang maliit
upang kung marinig ng inahin, ito'y lalapit
o magkukurukok ito't ako ang makalapit
sana walang ibang hayop na sa kanya'y dumagit

at malayu-layo na rin ang aking napuntahan
sinuot ang baging at talahib sa kagubatan
nilagay ang tenga sa lupa, aking napakinggan
ang kurukukok niya't siya'y aking natagpuan

pumulupot ang tali niya sa sanga ng kahoy,
baging, at talahib, gutom na't tila nananaghoy
mabuti't kinalalagyan niya'y aking natukoy
mabuti't di naunahan ng hayop na palaboy

ang inahin ay ikinulong, inuwi sa bahay
di na pinakawalan, baka saan na maglakbay
mabuti't pinagsikapang hanapin siyang tunay
doon sa gubat at di siya tuluyang namatay

- gregbituinjr.