Miyerkules, Abril 7, 2021

Muli, sa aking diwata

MULI, SA AKING DIWATA

di kayang mabahiran ng lumbay
pagkat laging matimbang ang pakay
habang kasama ang mutyang tunay
iwing pusong ito'y matiwasay

halakhak niya'y kaysarap dinggin
ay, siyang tunay, kaypalad ko rin
tila diwata sa papawirin
na hinahabol lagi ng tingin

malayo man siya'y anong lapit
habang nariritong nakapikit
lalo't palad nami'y magkadikit
diwata ko'y sadyang anong rikit

sa problema'y di nagpapadaig
pagkat solusyon ang nananaig
hangga't ang puso ko'y pumipintig
naririto akong umiibig

- gregoriovbituinjr.
04.07.2021 (World Health Day)

Munting hiling ngayong World Health Day

pandemya, lockdown, coronavirus
sa ulat, libo-libo'y namatay
isang trahedyang kalunos-lunos
sa yugtong ito ng ating buhay

nananalasa ang COVID-19
sa maraming bahagi ng mundo
pag nala-lockdown, walang makain
tila baga pag-asa'y naglaho

kahit na nariyan ang protocol
at ang sarili'y disiplinahin
kung walang makain, mas masahol
gayunpaman, ito'y dapat sundin

subalit kailangang tumindig
ng bawat isa sa nangyayari
ngayong World Health Day ay isatinig
kung ano ba ang makabubuti

palpak nga ba ang pamahalaan
sa pagtugon sa pandemyang ito
na pulos lockdown lang daw ang alam
pulos modipikasyon daw ito

ngayong World Health Day, ang hiling ko lang
ayusin sa bansa'y health care system
kung paano'y dapat pagtulungan
ng eksperto't mamamayan natin

- gregoriovbituinjr.
04.07.21

Mga nilikhang berdugo ng rehimen

mga naglalaway sa dugo, sangkaterbang aswang
na sa inosente'y walang prosesong nananambang
nakatayo lang ay bigla na lang tinitimbuwang
ng mga nilikhang berdugo ng rehimeng tokhang

ang nais lang daw nila, pasaway ay mapatino
ngunit bakit buhay nito'y kanilang pinaglaho
disiplina't pagkauhaw sa dugo'y pinaghalo
di na iginalang ang batas, nambasag ng bungo

dahil mayhawak ng gatilyo kaya anong yabang
aba'y sagot naman daw sila ng pangulong halang
kaya kaylakas ng loob pumaslang ng pumaslang
atas kasi ng pangulo nilang talagang bu-ang

sila ang mga nilikhang berdugo ng rehimen
dugo't laman ng inosente yaong kinakain
sana'y matigil na ang kanilang pagka-salarin
at panagutin sila sa ginawang mga krimen

- gregoriovbituinjr.

Ang mabait

tawag sa kanila'y mabait, totoo, mabait
marahil dahil sila'y tahimik kaya mabait
di naman maiingay ang daga't kanyang bubuwit
tahimik lang sisirain yaong gamit mo't damit

nais lang namang kumain saanman naroroon
kahit na mumo lang o kaya'y tira-tirang litson
aba'y kapag kinanti mo sila, lagot ka ngayon
gaganti sila't sira-sira ang iyong pantalon

paano mapaglalaho ang mabait na iyan
o kaya iyang mabait ay lasunin mo naman
pag namatay sa sulok, mamamaho ang tahanan
o makabubuti bang sila na lang ay hayaan

ang mabait, ang mababait, naroon sa sulok
maya-maya't magtatakbuhan, may pagkaing bulok
para bagang magnanakaw, tatangayin sa sulok
ng mabait ang itinapong tira-tirang manok

- gregoriovbituinjr.

Ang payo pagkaihi

ANG PAYO PAGKAIHI

payak na panawagan
disiplina lang naman
inihia'y buhusan
o kaya'y i-flush mo lang

naunawaan mo ba
may gagamit pang iba
ika nga, ikaw pa ba
ang walang disiplina?

ang kapwa'y irespeto
i-flush ang inidoro
may gagamit pa nito
kung ayaw mong masargo

di mapalot, mapanghi
di mangamoy ang ihi
at di nakadidiri
maginhawa palagi

ito lang ay panuto
nang di tayo mamaho
maraming salamat po
sa pagsunod sa payo

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa istasyon ng MRT