Huwebes, Oktubre 14, 2010

Relokasyon na namin, inaagaw nyo pa

RELOKASYON NA NAMIN, INAAGAW NYO PA
(para sa mga dinemolis sa New Manila at North Triangle)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

relokasyon na namin, inaagaw nyo pa
pilit pinalalayas kaming nakatira
inangkin ng kung sinong may titulong dala
titulong sa Recto'y pinagawa ba nila

sa aming nakatira, dapat daw ebiksyon
pag ayaw lumayas, agad na'y demolisyon
ngunit tirahang ito'y isang relokasyon
kaya bakit tatanggalin ng mga maton

bahay na kinalakhan, habang minamalas
puso nami't damdamin, parang binubutas
relokasyon na namin ito, mga hudas
hindi tamang kami'y inyong pinalalayas

silang magnanakaw ay walang karapatan
na angkinin ang lupang kinatitirikan
ng tahanang sinilangan at kinalakhan
ng pamilya namin kaya ipaglalaban

bakit aagawin ang relokasyong ito
ipagduduldulan sa amin ang titulo
na tila ipinagawa nila sa Recto
upang mapalayas ang mga tao dito

bagamat ayaw naming dito'y mapahamak
ngunit sa kanila'y di kami pasisindak
may dala ng titulong kapara ng uwak
ay dapat durugin, pagapangin sa lusak

Ang Mapagpalayas

ANG MAPAGPALAYAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa lupa'y pilit kaming pinalayas nila
silang biglang lumitaw, may titulong dala
gayong ninuno namin, kaytagal tumira
sa lupang itong pinagyaman at sinaka
nilinang ng mapagpalang kamay nila

payapang namumuhay, kami'y pinalayas
sa aming lupa ng kung sinong mapangahas
dibdib nag-aapoy sa mga talipandas
pilit kaming nagtanggol laban sa hudas
ngunit iba'y nasa rehas, iba'y nautas

ang nangyaring ito'y di sukat akalain
ninuno ang naglinang, iba ang umangkin
nawala ang pinagkukunan ng pagkain
korporasyon na ang may-ari ng lupain
kaylulupit nilang nagpalayas sa amin

sa pagtatanggol dito'y buhay ang binubo
ang pakikibaka sa sakripisyo'y puno
mapagpalayas ay sadyang mga hunyango
lupa'y bawiin, dugo't pawis ma'y tumulo
laban na ng sabayan at huwag susuko