sadya bang kay misis sila'y sabik na sabik
ngunit trabaho'y kaylayo't di makahalik
ilang buwan pa bago sila makabalik
kaya naghanap ng ibang makakatalik
nais lang ba talaga nilang makaraos?
ang pangungulila ba nila'y lubos-lubos?
kahit ba ang pag-ibig nila'y kinakapos?
ngunit ngayon kinapitan sila ng virus
silang mga nagsakripisyong magtrabaho
malayo sa pamilya, nasa lupang dayo
sila'y may pangangailangan ding totoo:
ang pakikipagtalik, paano na ito?
di sapat na libog ay ikuskos lang sa dingding
o tanging palad lamang ang laging kapiling
pagkat sarili lamang ang humahalinghing
minsan, ang mapalayo ka'y nakakapraning
ano ang dapat upang ito'y malunasan?
libo na'y apektado ng sakit na iyan
paano ba natin sila matutulungan?
silang napalayo na sa sariling bayan
di lang sakit na ito ang dapat magamot
ang magtamo lang nito sa pamilya'y kirot
pangungulila'y paano rin magagamot
upang kapayapaan sa puso'y idulot
- gregbituinjr.
* Ayon sa ulat, "Sa 52,280 migrant workers, umabot na sa 5,537 OFWs ang may HIV / AIDS dahil sa sex (pahayagang HATAW, Abril 9, 2018)