tungkulin ng makatang ilantad ang anumang mali
lalo na ang panggugulang ng naghaharing uri
lalo na't pagpapakatao'y pinagbali-bali
kaya dapat matatag sa harap ng laksang imbi
ilantad anumang gawa ng mga salanggapang
lalo't buhay at dignidad ang kanilang inutang
makata'y mapipiit o patay sa pananambang
ngunit tula ng makata'y di nila mapapaslang
kung agad kinukumpuni ang makinang nasira
ngunit sa obrerong naputlan ng daliri'y ngawa
kapitalistang switik ay dapat lang matuligsa
pagkat makina'y una kaysa kanyang manggagawa
magsasaka'y kayod-kalabaw sa di-aring bukid
lupa'y inararo, pagkain sa hapag ang hatid
manggagawa sa pabrika'y nakatutok sa ikid
ngunit sa katusuhan ng puhunan nangabulid
nahirati sa pananambang ang mga ulupong
patuloy ang pag-asinta sa mga dukha't lulong
pag walang salapi'y ayaw gamutin ang kurikong
sa transakyon sa pamahalaan kayraming patong
hindi ba't ganyan ay marapat lamang tuligsain
upang maitama ang palakad sa bayan natin
di ba't makata'y kakampi mo sa budhi't mithiin
lalo't tangka ng sukab na karapata'y lumpuhin
- gregbituinjr.