sa palaisipan ko'y may dedikasyon si misis
aba'y kanya palang batid ang libangan kong nais
heto't sumasagot, nawala ang buryong at inis
dahil sa munting regalong ikinatuwang labis
walang ma-download na palaisipan sa internet
na libangan sanang lalaruing paulit-ulit
pulos sudoku't math games ang sinasagutang pilit
na na-download sa selpon, tila nasa pagsusulit
lagi kasing nag-iisip, nakakunot ang noo
sinusulat kasi'y nobelang nasa diwang ito
di pa maisulat sa papel, nagmumuning todo
magsagot ng palaisipan, mag-relaks din tayo
may dedikasyon sa palaisipan at pamilya
sinasagutan ang katanungan ng bawat isa
upang makaraos pa rin sa buhay sa tuwina
magkunot man minsan ng noo, sa puso'y may saya
salamat sa palaisipang bigay ng aking ex
habang kumakatha ng tulang ginagawa sa text
matapos ang gawang mabigat, magpa-petiks-petiks
at sagutin itong palaisipang bigay ni ex
- gregoriovbituinjr.
* ex means ex-girlfriend
* palaisipan - crossword puzzles in Filipino
Linggo, Setyembre 13, 2020
Pag-iipon ng balutan ng tabletas
oo, iniipon ko ang balutan ng tabletas
isasama sa plastik na gugupitin ko bukas
oo, tama ka, sa ekobrik nga'y di ito ligtas
ipapasok sa boteng plastik, ekobrik ang labas
kayraming balutan ng tabletas na nakita ko
may gamot sa sakit at may bitamina rin dito
sayang kung ibasura lang, plastik din naman ito
sa ekobrik isama pag ginupit ko nang todo
tabletas nga ang iniinom ng mga maysakit
na nais malunasan ang katawang nagigipit
nais gumaling, kontrahin ang sakit na kaylupit
iinom sa tamang oras nang gumaling ding pilit
habang ako naman ay iipunin ang balutan
ng tabletas bago pa mapunta sa basurahan
sabi lang sa kanilang ako'y may paggagamitan
iyon pala ito'y ieekobrik kong tuluyan
- gregoriovbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)