Biyernes, Abril 10, 2020

Mahirap maging alagain

Mahirap maging alagain

Magpalakas tayo ng katawan upang magtagal
Ang buhay, uminom din ng bitamina't mineral
Habang nasa lockdown pa'y alamin din itong aral:
Iwasang magkasakit, sa isip natin ikintal
Ramdam mo ang sitwasyon, kayhirap nang maospital

Ang malipasan ka ng gutom ay huwag gagawin
Pagkain ng tama sa oras ay wastong tungkulin
Maghinaw ng kamay bago at matapos kumain
At walong basong tubig kada araw ay inumin
Gumising lagi ng maaga't mag-ehersisyo rin

Ingatan lagi ang iyong katawan at pamilya
Na hangad mapabuti pa ang kalusugan nila
Gawin lagi'y tama't palakasin ang resistensya
At magluto ng gulay, kumain ng masustansya
Layuan na ang junk food at baka magkasakit pa

Anong hirap magkasakit at maging alagain
Gayunman, tulungan ang kapwang nagiging sakitin
Ayokong magkasakit, sa iba'y maging pasanin
Ito'y ating pakaiwasan hangga't kakayanin
Ngayon pa lang, kalusugan ay alagaan natin

- gregbituinjr.

Panakip-butas na pagbabago?

PANAKIP-BUTAS NA PAGBABAGO?

I

panakit-butas ang pagbabagong hinain nila
magbago ka na, ang sabi, dahil lang nadakip ka
pinilit kang yakapin ang sistemang isinuka
sinabihang pag lumaya'y magbagong-buhay ka na

dahil natortyur ka't ilang taon din sa piitan
ngayon, laya ka na, sumumpang magbagong tuluyan
bakit? napagtanto mo bang mali ang kinilusan?
o sa sistemang bulok na'y magbubulag-bulagan?

II

dahil lang nagkaasawa, ikaw na'y magbabago?
tanggap na ba ang isinuka mong salitang "lie low"?
na sabi mo nga'y wala sa iyong bokabularyo
ngayon, heto, sistemang bulok na'y yayakapin mo?

sinabi ng asawa mong magtrabaho ka na lang
dahil sa pagmamahal agad tatango ka na lang?
kahit kita mong binubusabos pa rin ang bayan
ay magpapaalipin na sa burgesyang kalaban

III

dahil sinabihan ka ng magulang, tumigil ka!
susunod ka na lang ba, kahit may isyu't problema?
magbubulag-bulagan ka na lang sa nakikita?
dahil ayaw ng magulang mong maging aktibo ka?

nasaan ang prinsipyo mo't layuning sinimulan?
balewala ba lahat ng iyong pinaghirapan?
di pa nananalo'y bakit mo iiwan ang laban?
ano't sistemang bulok na'y yayakaping tuluyan?

- gregbituinjr.