Huwebes, Setyembre 30, 2010

Nakapiit sa Lansangan

NAKAPIIT SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taudtod

wala sa kulungan, ngunit di malaya
mga mahihirap na pagala-gala
at pawang hikahos silang hampaslupa
ang gobyerno nama'y walang ginagawa
ang sitwasyon nila'y binabalewala

nasa laya sila't lagi sa lansangan
ngunit nakapiit sila sa kawalan
para bang lansangan ay isang kulungan
pagkat wala silang pinatutunguhan
kundi kahirapang isang bilangguan

Di Pilitan, Kundi Pilian

DI PILITAN, KUNDI PILIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

di pilitan, kundi pilian
sa nalalapit na halalan

di dapat pilitin ang tao
na kandidato mo'y iboto

mangumbinsi kang nakangiti
upang pambato mo'y mapili

ganyan ang ginagawa natin
hindi ang tao'y pipilitin

kaya kung nais mong manalo
ay mangumbinsi ka ng todo

na matino ang iyong manok
upang masa'y di na malugmok

sa kalagayang pulos hirap
di na matupad ang pangarap

kaya sa boto'y maging tapat
ihalal mo ang nararapat