Sabado, Mayo 29, 2021

Basyan

BASYAN

may taal palang salita sa suksukan ng pana
na magagamit sa mga sanaysay, kwento't tula
halimbawa, ang kwento ng Aztec na mandirigma
o kwento ni Robinhood o kawal-Spartan pa nga

kung ang tawag sa suksukan ng itak ay kaluban
na laging gamit ng magsasaka sa kabukiran
ang suksukan naman ng mga palaso ay basyan
na ginamit ng mandirigma noong una pa man

bihirang pansinin ang basyan kahit napanood
ang Lord of the Rings, Sacred Arrows, Rambo at Robinhood
dahil di alam ang tawag doon ng inyong lingkod
ngayon, bilang makata'y aking itinataguyod

ito'y sinaunang Tagalog, ayon sa saliksik
sa U.P. Diksiyonaryong Filipino natitik
gawa sa kahoy ang basyan, gamit ng mababagsik
na mandirigma, lalo ng aping nanghihimagsik

salitang taal sa atin ay gamiting totoo
lalo na't nasasaliksik natin ang mga ito
ang salitang basyan ay binabahagi sa inyo
upang magamit na sa ating mga tula't kwento

- gregoriovbituinjr.

* basyan - kaluban o suksukan ng mga palaso na gawa sa kahoy, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 149

Pagbabasa ng tula ng kapwa makata

PAGBABASA NG TULA NG KAPWA MAKATA

binabasa-basa ang tula ni Archibald Mac Leigh
ang Ars Poetica habang dito'y di mapakali
pananalinghaga'y anupa't nakabibighani
na tila yakap ko na ang magandang binibini

minsan, dapat tayong magbasa ng tula ng iba
at baka may ibinabahagi silang pag-asa
na dapat pala tayong patuloy na makibaka
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya

ang mga mapagsamantala'y sadyang anong lupit
na kawawang obrero sa mata nila'y mainit
bulok na sistema nga'y pilit pang pinipilipit
kaya karapatang pantao'y dapat pang igiit

paglalarawan nito'y tungkulin naming makata
sariling pagsulong ang pagbasa ng ibang katha
baka may mapulot na ginto sa putikang lupa
nagbabakasakaling tayo rito'y may mapala

- gregoriovbituinjr.
05.29.2021

Nang kinain ng bakunawa ang duguang buwan


NANG KINAIN NG BAKUNAWA ANG DUGUANG BUWAN

ang duguang buwan ay lumitaw kamakailan
bakunawang kumakain ng buwan ba'y nariyan?
buwan ba'y nakipagbuno rito kaya duguan?
ang dating pitong buwan, ngayon ay iisa na lang

anang alamat, malaking ahas ang bakunawa
na diumano'y may bungangang sinlaki ng lawa
may pakpak din daw ito at pulahan pa ang dila
nakatira sa bungalog o malalim na wawa

ang nilikha umanong buwan ni Bathala'y pito
nilamon ng bakunawa ang anim, bakit kamo?
dahil daw sa pagkahumaling sa liwanag nito
natitirang buwan nga'y dapat iligtas ng tao

sa pagsapit ng eklipse o laho kung tawagin
itataboy ang bakunawa, mundo'y paingayin
o kaya naman, awit at musika'y patugtugin
o katutubong tagulaylay ay idaos man din

sa alamat, si Haliya ang diwata ng buwan
nagsasagawa ng tagulaylay ay mga baylan
upang natitirang buwan ay maipagsanggalang
mula sa bakunawang nais lamunin ang buwan

- gregoriovbituinjr.
05.29.2021

* datos mula sa aklat na Mga Nilalang na Kagila-gilalas na tinipon ni Edgar Samar
* litrato mula sa google

Maagang pagbangon

madaling araw ay bumangon na ang inyong lingkod
pagkat di na dalawin ng antok bagamat pagod
nagmumog, naghilamos, nagsepilyo, at kumayod
isinulat sa papel ang isyung tinataguyod

madalas, madaling araw ako na'y nagigising
at agad nang tatayo mula sa pagkagupiling
kayraming napagninilay sa mababaw na himbing
na tila dapat maghanda sa unos na parating

habang naririnig pa ang aso sa pag-alulong
na animo sa aking tainga'y may ibinubulong
nagyayabang pa ba ang mga palalong marunong
ngunit sa tunay na sagupaan ay urong-sulong

maagang bumangon upang trabahuhin ang salin
habang mga kuliglig ay naghaharutan pa rin
maya-maya'y magluluto ng ulam at sinaing
upang sa maagang pagtatrabaho'y di gutumin

- gregoriovbituinjr.05.29.2021

Makasaysayang Mayo Bente Nuwebe

Bente nuwebe, sa Batangenyo'y kilalang balisong
ang may tangan nito sa laban ay di umuurong
Mayo Bente Nuwebe, araw ng maraming pagsulong
o sa kasaysayan nga'y marami rin ang pag-urong

bumagsak sa kamay ng Turko ang Constantinople
makasaysayan ang talumpati ni Patrick Henry
tulong sa pagtayo ng ospital ng Union Army
nang mapatunayan ang Theory of Relativity

araw na patunay ng lakas ng kababaihan
Sojourner Truth at Dorothea Dix yaong pangalan
na mas inisip ang kapakanan ng karamihan;
si Abraham Lincoln, may sinabing makasaysayan

tinatag ni Charles de Gaulle ang pamahalaang French 
naging pangulo ng Russian Republic, Boris Yeltsin
pasinayang araw ng United Nations Peacekeepers
sinimulan sa Hong Kong ang grupong Scholarism

tinayo ang replika ng Statue of Liberty
sa Tsina't tinawag itong Goddess of Democracy
ang Tiananmen Square ay napuno ng estudyante
batid na sa kasaysayan ang sunod na nangyari

sa kalusugan nga'y ngayon ang World Digestive Health Day
sa Indonesia naman ay National Elderly Day
sa Inglatera nga'y kinikilalang Oak Apple Day
makasaysayang araw para sa mga may birthday

- gregoriovbituinjr.
05.29.2021

* 12 pinaghalawan ng datos ng tula:
1453 Constantinople, capital of the Eastern Roman Empire falls to the Turks under Mehmed II; ends the Byzantine Empire
1765 Patrick Henry's historic speech against the Stamp Act, answering a cry of "Treason!" with, "If this be treason, make the most of it!"
1849 Lincoln says "You can fool some of the people all of the time, and all of the people some of the time, but you can not fool all of the people all of the time."
1851 Sojourner Truth, Abolitionist and Women's Rights Advocate, addresses 1st Black Women's Rights Convention in Akron, Ohio
1861 Dorothea Dix offers help in setting up hospitals for the Union Army
1919 Albert Einstein's Theory of Relativity, that when light passes a large body, gravity will bend the rays confirmed by Arthur Eddington's expedition to photograph a solar eclipse on the island of Principe, West Africa
1953 500th anniversary of the fall of Constantinople and the end of the Byzantine Empire
1959 President Charles de Gaulle forms French government
1989 Student pro-democracy protesters in Tiananmen Square, China construct a replica of the Statue of Liberty, naming it the Goddess of Democracy
1990 Boris Yeltsin is elected President of the Russian Republic
2001 International Day of United Nations Peacekeepers inaugurated.
2011 Hong Kong student activist group Scholarism started by Joshua Wong and Ivan Lam