Martes, Abril 10, 2018

Pagkawalay

kumikislot sa kalooban ko ang larawan mo
habang pabiling-biling sa hinigaan kong sako
habang pinapapak ng lamok ay natutuliro
nagdidilim na ang langit, parating na ang bagyo

ang kisame ko'y langit, walang anumang talukbong
sumapit na rin ang pagkainip at pagkaburyong
sa gubat, dapat mag-ingat sa ahas na lumusong
sa lungsod, dapat mag-ingat sa naglipanang buhong

gagamba'y di makabitag ng kakaining lamok
ang nasusunog na basura'y nakasusulasok
habang pakuya-kuyakoy sa upuang marupok
di na malaman kung saan ang tungki'y itututok

naglakbay sa malayo ang inaasam na mutya
habang ako'y nagbalik muli bilang maglulupa

- gregbituinjr.

Mga Nawawalang Tula ni Fidel Castro

Mga Nawawalang Tula ni Fidel Castro 
tula ni Michael Philips
malayang salin ni G. Bituin Jr.

Mula sa itaas, ang mesa ay may tahanan
sa isang hilera ng magkatulad na mga mesa,
nasa gitna ang lumang taunang aklat panghayskul
at isang de-makinang lapis.

Mapapailalim tayo,
niluluhuran ang mga bomba
subalit handang makipaglaro,
na mga mata'y magkasabay magmasid
sa mumunting yungib.

May mga malalabong pilat kami
na magpapatunay ng aming paghihirap
at malalabong tanawing maaaninaw
sa mga lumang durungawan
upang ngumiti sa lungkot o balewalain
ang mga bagong awitin.

Ang makasaysayang balbas at luntiang sambalilo
tulad ng isang bagay mula sa munting silid sa kisame
tulad ng mga Stones at mga Kennedy
o babala ng isang malamig na kaharap na nanghihimasok.


The Lost Poems of Fidel Castro - Poem by Michael Philips

From above, the desk has a home
in a row of identical desks, 
an old high school yearbook rests in the middle, 
and a mechanical pencil.

We would be underneath, 
kneeling for bombs
but ready for games, 
eyes synchronized in little caves.

We've only the faintest scars
to show for our suffering, 
and ghostly scenes reflected in old windows, 
to smile in sorrow or ignore for new ballads.

The iconic beard and green hat, 
like something from the attic, 
like the Stones or a Kennedy, 
or a warning of a cold front moving in.