Huwebes, Agosto 22, 2019

Kaming mga aktibista'y mandirigmang Spartan

KAMING MGA AKTIBISTA'Y MANDIRIGMANG SPARTAN

kaming mga aktibista'y mandirigmang Spartan
nakikibaka, nagsasanay, naghahanda sa labanan
pinag-aaralan ang kasaysayan at lipunan
wing chun, arnis, at nagpapalakas din ng katawan

mandirigmang Spartan kaming mga aktibista
tulad ng langay-langayan, kami'y nakikibaka
tulad ng leyong niyakap ang ideyolohiya
mga armas ang materyalismo't diyalektika

tulad ng agila'y dapat matalas ang paningin
tulad ng dragon, kalaban ay aamuy-amuyin
tulad ng tigre, ang pulitika'y pinaiigting
tulad ng langgam, uring manggagawa ang kapiling

halina't samahan kaming magsanay at magsuri
ating organisahin ang tunggalian ng uri
at pawiin ang salot na pribadong pag-aari
dahil ang kahirapan sa mundo'y iyan ang sanhi

mandirigmang Spartan, may adhikang buong-buo
paglilingkod sa uring obrero'y mula sa puso
handang mamatay upang sosyalismo'y maitayo
patuloy ang pagkilos, mamatay man o mabigo

- gregbituinjr.

Wala nang palamig sa bangketa

WALA NANG PALAMIG SA BANGKETA

hinahanap ko ang mga palamig sa bangketa
limang pisong sago, sampung pisong buko't iba pa
subalit wala nang vendor, bangketa'y nilinis na
di na sila pinagtinda, itinaboy na sila

wala nang mapwestuhan ang mga vendor sa lungsod
sa bangketa'y bawal nang magtinda, wala nang kayod
ang pagtitinda man sa bangketa'y nakakapagod
nagsisipag upang sa pamilya'y may ipamudmod

sa malalaking grocery't mall ka na magpalamig
produkto ng kapitalista'y iyong makakabig
mag-softdrinks ka na lang, mahal na ang mga palamig
upang malunasan ang uhaw mo o pagkabikig

kapitalista ba'y nagplanong vendor ay mawala
malalaking negosyante'y kinalaban ang dukha
tinanggalan ng ikabubuhay ang maralita
upang produkto sa mga mall ang bilhin ng madla

- gregbituinjr.