Linggo, Agosto 26, 2012

Naluma man ang kwadro

NALUMA MAN ANG KWADRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

naluluma ang kwadro
ngunit di ang anino
nasa puso ng tao
ang gunita't prinsipyo

litrato'y kumukupas
ngunit imahe'y wagas
sa kasaysayan bakas
ang ginawa't nilandas

dayo’y niyurak noon
uring obrero’t nasyon
bayani’y nagsibangon
adhika’y rebolusyon

imahen ng dakila
pumanday sa paggawa
sinakbibi ng luha
hinangad ay paglaya

naglaho man ang tinig
atin pang maririnig
prinsipyo'y di nalupig
nanatili ang tindig

museyo'y nagkaagiw
bayani'y di bumitiw
pagsinta'y walang maliw
sa masang ginigiliw

litrato'y masdang dagli
sa sistema'y namuhi
nasa’y gintong sandali
ng paglaya ng uri

naluma man ang kwadro
ngunit di ang anino
ng dakilang obrero
na umukit ng mundo

Iba't Ibang Anggulo


IBA'T IBANG ANGGULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iisa lang ang litrato
iba-iba ang anggulo
ikaw kaya'y malilito
kung ano yaong totoo

depende kung nasaan ka
nasa kaliwang banda ba
o baka sa kanang banda
ibabaw o ilalim pa

iisa yaong larawan
iba-iba ang ugnayan
at pagpapaliwanagan
ganito'y ating asahan

kayraming naiilusyon
kayraming interpretasyon
kayrami ding eksplanasyon
iisa lang pala iyon

isip, isip, at magsuri
iba-iba, sari-sari
tayo kaya'y maunsyami
sa ating mga nalimi



iisa ang litrato
kuneho ba o pato
iba't ibang anggulo
ano ang nakita mo


nakikita mo ba'y matanda
o ang babaeng nakalinga
larawang ilusyon ang likha
dalawa ngunit isang mukha

Sa Kadimlan

SA KADIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

iyan ba ang langit? bakit kulay itim
dahil walang ilaw, gabi na't madilim
may itinatago nga ba iyang lihim
na bawal pagmasdan, nakaririmarim
di ko alam, iyan ba'y gabi ng lagim
datapwat sa isang panahong kulimlim
may bulaklak doong kaysarap masimsim
bininhian siya't dapat makalimlim
dahil magandang tiyak ang naitanim
siyang pinangarap, isang mutyang dilim
na isip at puso'y payapa't kaylalim
pawang kabutihan sa loob ay kimkim