PAGPUPUGAY KAY MOISES SALVADOR
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
pangalang Moises Salvador ay aking nakilala
sapul ng pagkabata dahil sa isang eskwela
siya pala'y isang bayani rin, sumama siya
kina Rizal, Plaridel, sa kilusang propaganda
sumanib sa Mason, diwa'y matalas, matalino
hanggang makilala si Deodato Arellano
na sa kilusang Katipunan ay unang pangulo
nakilala rin niya si Gat Andres Bonifacio
hanggang sa La Liga Filipina, siya'y sumapi
na pangulo'y kanyang ama, kumilos ng masidhi
hanggang dinakip si Rizal, ang bayani ng lahi
pinatapon sa Dapitan, ang La Liga'y ginapi
Katipunan ay natuklasan ng mga Espanyol
kaya mga Katipunero'y agad na nagtanggol
ang tulad niyang Mason, akala'y di masasapol
ngunit hinuli sila't inusig, binigyang hatol
hanggang si Rizal, pinaslang doon sa Bagumbayan;
labingdalawang araw matapos itong mapaslang
si Moises Salvador, binaril din sa Bagumbayan
na kasama ang labindalawa pang kababayan
sa iyo, O, Moises Salvador, isang pagpupugay
paaralang ipinangalan sa iyo'y kayhusay
pagkat buhay ng nagtapos dito'y naging makulay
O, mabuhay ka, Moises, martir ka't bayaning tunay!