Martes, Marso 30, 2021

Pagtapon ng basura

PAGTAPON NG BASURA

ang ating mga basura'y paano ba itatapon?
tulad ng basurang sa kalooban ko naipon
ilagak lang sa tamang lalagyan ang mga iyon?
subalit iyan nga ba ang wastong sagot o tugon?

itatapon lang sa kung saan, basta di makita?
anong patunay sa wasto tinapon ang basura?
tinapon nga ba sa landfill o baka sa aplaya?
kaya basura'y sa dalampasigan naglipana?

sino ba ang uusig sa mga may kasalanan?
na sarili nating bansa'y ginawang basurahan
di ba't daigdig at paligid ay ating tahanan?
kaya di dapat masikmura ang kapabayaan

tayo man ay dukhang isang tuka sa bawat kahig
tayong narito ang lilinis sa ating daigdig
na bawat mamamayan sana ang kakapitbisig
nawa ang panawagang ito'y talagang marinig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa kung saan-saan

Unan ko'y kaban ng bigas


UNAN KO'Y KABAN NG BIGAS

sa gabi, unan ko'y kalahating kaban ng bigas
maralitang tulad ko'y payak ang buhay na danas
minsan, inuulam ko'y tuyo o kaya'y sardinas
na sana naman, may sustansya ritong makakatas

ang higaan ko'y tuwalyang minsan ay kinukumot
buti na lang, papag na kahoy ay di sinusurot
kundi sa aking pamamahinga'y kamot ng kamot
ganito ang buhay-dukhang sadyang masalimuot

sa pagtulog nangangarap ng buhay na maalwan
inaalagata ang asam na kaginhawahan
di lang ng sarili kundi ng buong sambayanan
kaya nakibaka upang baguhin ang lipunan

di dapat hanggang panaginip lang ang adhikain
na isang lipunang makatao'y matayo natin
habang nabubuhay, layuning ito'y ating gawin
tara, kapwa dukha, lipunan ay ating baguhin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa tinutuluyan niyang tanggapan

Kalbaryo ng Manggagawa't Maralita

Kalbaryo ng Manggagawa't Maralita

palpak nga ang rehimeng ito sa pangangalaga
sa kapakanan ng mamamayan ng kanyang bansa
kalbaryo ang kahirapang palubha ng palubha
na kaytindi ng pagtama sa manggagawa't dukha

di ba't ang lockdown ay di solusyon sa COVID-19
kundi ayusin ang buong Philippine health care system
dagdag-pondo sa kalusugan, at libreng mass testing
para sa lahat, pagpapaigting sa contact tracing

patuloy din ang kalbaryo ng kontraktwalisasyon
milyun-milyon din ang nawalan ng trabaho ngayon
pabrika'y nagsarahan dahil sa pandemyang iyon
ramdam nila'y di sapat ang ayuda kung mayroon

patuloy ang giyera sa droga't mga pagpaslang
wastong proseso ng batas ay di na iginalang
libu-libong dukha ang basta na lang tinimbuwang
dahil atas ng rehimeng uhaw sa dugo't bu-ang

ang di disenteng paninirahan ay kalbaryo rin
sa mga maralitang batbat na rin ng bayarin
sa kuryente, tubig, upa, kayrami nang singilin
idagdag pa ang mahal na pangunahing bilihin

ang mga manggagawang ito'y saan ba kakapit
maralitang walang trabaho'y talaga ring gipit
pamilya ng tinokhang, patuloy na nagagalit
tratuhing maayos ang sa ospital maaadmit

kaya sa Kalbaryo ng Manggagawa't Maralita
panawagan namin ay hustisya para sa madla
dapat ayusin ang sistema ng pamamahala
sa mga kapalpakan ay singilin ang maysala

kung di ito maaayos, dapat lang patalsikin
ng sambayanan ang maysalang bulok na rehimen
na sa karapatang pantao'y karima-rimarim
na sa panlipunang hustisya'y nagdulot ng lagim

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google